Bicam conference sa 2026 budget umarangkada; dagdag-pondo na ₱ 961.3B sa DepEd, aprubado na
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 11, 2025

Nitong nakaraang Sabado, Disyembre 13, sinimulan ng dalawang kapulungan ng Kongreso—ang Kamara at ang Senado—ang bicameral conference upang maresolba ang magkaibang bersyon ng mga ito ng panukalang 2026 budget. Makasaysayan ang ginawang bicameral conference na ito dahil sa kauna-unahang pagkakataon sa ating kasaysayan, isinapubliko natin ang yugtong ito ng pagtalakay sa panukalang budget para sa bansa.
Mahalagang hakbang ito upang maging mas transparent ang isasagawang mga proyekto, ipapatayong mga istruktura, at bibilhing mga kagamitan at equipment ng iba't ibang ahensya ng gobyerno sa susunod na taon.
Kung babalikan natin ang mga hakbang na isinagawa natin nitong mga nakaraang buwan, ginawa nating mas transparent ang proseso ng pagtalakay sa panukalang 2026 national budget.
Mas pinalawak din ang pakikilahok ng publiko para sa mas komprehensibong pag-aanalisa ng paggamit sa buwis na binabayad ng ating mga kababayan.
Inihain ng inyong lingkod ang Senate Concurrent Resolution No. 4 upang isapubliko ang mga dokumentong may kinalaman sa panukalang budget. Inaprubahan ito ng ating mga kasamahan sa Senado nitong nakaraang Agosto.
Kung dati, ang tanging mga dokumentong bukas sa publiko ay ang National Expenditure Program (NEP) na iminungkahi ng Pangulo at ang General Appropriations Act (GAA) na kanyang nilagdaan.
Ngayong taon, isinapubliko na rin natin ang iba pang mga dokumento kagaya ng General Appropriations Bill (GAB) o ang bersyon ng budget na inaprubahan ng Kamara, pati na rin ang bersyon ng budget na ipinasa ng Senado.
Sa kauna-unahang pagkakataon din ay isinapubliko ang bicameral conference committee, kung saan nireresolba ang magkaibang bersyon ng panukalang pondo na inihain ng Senado at Kamara. Makikita na rin ng publiko ang transcripts ng mga pagpupulong ng bicameral conference committee. Hindi lamang ang proseso ng pagtalakay sa budget ang naging makasaysayan.
Makasaysayan din ang inaprubahang halos isang trilyong piso o P961.3 bilyong pondo para sa Department of Education (DepEd). Sa ilalim ng bicam report, P85 bilyon ang inilaan para sa pagkumpuni at pagpapatayo ng mga classrooms, P25.6 bilyon ang inilaan para sa School-Based Feeding Program, P19.5 bilyon ang inilaan para sa textbooks at instructional materials, at P8.4 bilyon ang para sa karagdagang benepisyo ng mga guro, kabilang ang overtime pay, honoraria para sa teaching overload, at iba pa.
Ang pondo sa sektor ng edukasyon sa susunod na taon ay aabot sa 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP) sa unang pagkakataon. Naka-ayon ito sa rekomendasyon ng United Nations na maglaan ng 4 hanggang 6% ng GDP sa sektor.
Patuloy nating tutukan ang mga huling yugto ng pagtalakay sa panukalang 2026 budget. Sama-sama nating tiyakin na ang pondo para sa susunod na taon ay tunay na mag-aangat sa pamumuhay ng ating mga kababayan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




