top of page

Desisyon ng SC sa PhilHealth, inangkin ni Sen. Risa—binanatan ni Atty. Rowena Guanzon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 13 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SINUPALPAL NI ROWENA GUANZON SI SEN. RISA HONTIVEROS SA PAG-EPAL NITO SA DESISYON NG SC NA IBALIK SA PHILHEALTH ANG PONDO NITO NA NAPUNTA SA BTr – Sinupalpal ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na ikinatuwa niya ang utos ng Supreme Court (SC) sa administrasyong Marcos na ibalik sa PhilHealth ang P60 bilyong pondo na nailipat noon sa Bureau of Treasury (BTr) ni dating Finance Secretary at ngayo’y Executive Secretary Ralph Recto.


Ayon kay Guanzon, wala raw “K” o karapatan si Sen. Risa na angkinin ang kredito o umepal sa desisyon ng Korte Suprema, dahil isa rin siya sa lumagda sa Bicameral Report noong 2024 General Appropriations Act (GAA) na nag-utos na ilipat ang reserve funds ng PhilHealth sa BoT.


Ano kaya ang magiging sagot ni Sen. Risa sa panunupalpal na ito ni Guanzon? Abangan!


XXX


KUNG INAAKALA NINA ZALDY CO AT SARAH DISCAYA NA MAKAKALUSOT SILA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM, NAGKAKAMALI SILA – Sinabi noon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na ni-“singko” raw siya at wala siyang kinuha sa mga alegadong kickback na idini-deliver niya sa magpinsang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez. Kamakailan naman, iginiit ng kontratistang si Sarah Discaya na malinis ang konsensya niya at ng asawa niyang si Curlee dahil wala raw silang ginawang anomalya sa kanilang mga flood control projects.


Ngunit kung inaakala nina Zaldy Co at Sarah Discaya na makakalusot sila sa mga kasong malversation of public funds, graft, at bribery sa pamamagitan ng palusot na wala silang kasalanan, nagkakamali sila. Marami raw kasing ebidensya na nagpapakita ng kanilang pagkakasangkot sa flood control projects scam. Period!


XXX


HINDI DAPAT PATULAN NI CONG. LEILA DE LIMA ANG PAGHINGI NG TULONG SA KANYA NI RAMIL MADRIAGA – Inanunsyo ni ML Partylist Rep. Leila De Lima na humihingi raw ng tulong sa kanya si Ramil Madriaga, ang presong nagpakilalang kidnaper at sinasabing bagman ni Vice President Sara Duterte sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at illegal drugs. Ayon kay Madriaga, biktima raw siya ng sabwatang ginawa ni VP Sara at ng dating presidential spokesman na si Harry Roque, kaya daw siya nakasuhan ng kidnapping.


Ngunit hindi dapat patulan ni Cong. Leila ang hinihinging tulong ni Madriaga, dahil kung tutulungan niya ito, puwede itong ipakahulugan ng publiko na gusto lang niyang maka-resbak kay VP Sara. Lalo na’t ang administrasyon ng ama nito, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang nagpakulong sa kanya noon sa kasong may kinalaman sa illegal drugs. Boom!


XXX


PINUTAKTE NG BATIKOS SI SEC. VINCE DIZON DAHIL SA LABAN-BAWI NIYA SA PONDO NG DPWH – Pinutakte ng batikos si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon dahil sa laban-bawi niyang hakbang sa 2026 budget ng DPWH.

Nu’ng una, nagpabida si Sec. Dizon sa publiko nang sabihing dapat bawasan ang budget ng DPWH para maiwasan ang korupsiyon. Ayon sa kanya, kung maliit ang budget, mas madali niyang mababantayan ang kaban ng bayan sa kanyang kagawaran. Dahil dito, binawasan ng Senado at Kamara ang budget ng DPWH.


Ngunit sa Bicameral Conference, binaliktad ni Dizon ang kanyang dating pahayag. Ngayon, panawagan niya ay ibalik ang tinapyas na budget at magtiwala na lang daw ang Kongreso at taumbayan sa DPWH na kanyang pinamumunuan. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page