Lehislatura, taga-gawa lang ng batas, ‘wag makialam sa Ehekutibo
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | December 16, 2025

Simbang Gabi na.
Marami ang naghintay ng P500 pang-Noche Buena.
Hanap sila ng “limang donor”—makakabuo sila ng P2,500—sobra-sobra na, hanggang Media Noche pa.
----$$$--
NAGLOLOKOHAN ang mga miyembro ng Bicameral Conference Committee (Bicam).
Akala nila ay “ma-uunggoy” ang ordinaryong tao. He-he-he!
-----$$$--
IISA lang ang solusyon: Ito ay ang pagsunod sa Saligang Batas.
Ang lehislatura ay dapat 100 percent na gumagawa lang ng batas.
Alisan sila ng pondo para sa mga proyekto—trabaho ‘yan ng mga taga-Ehekutibo.
-----$$$--
BINABABOY mismo ng mga mambabatas ang esensiya, sustansiya at pilosopiya ng “Konstitusyon.”
Ehekutibo para sa implementasyon ng mga proyekto; lehislatura para sa paggawa ng batas; at hudikatura para sa interpretasyon ng batas.
Napakalinaw po!
------$$$--
ALAM ng lahat kung ano ang “SOP.” Ang SOP ay dapat ipaliwanag mismo ng Office of the Ombudsman, Civil Service Commission at Korte Suprema—kung “lehitimo o moral” na nagaganap.
-----$$$--
ANG SOP ay bansag o termino sa “mala-legal” o “mala-moral” na “under-the-table kickback.”
Napakatagal nang practice, tradisyon at kalakaran sa burukrasya—pero walang nangangahas na “burahin” o “kontrahin” ito.
-----$$$--
ANG SOP ay ugat ng korupsiyon—dahil kinukunsinte ito ng mga opisyal ng gobyerno at maging ng pribadong sector.
Ang “SOP” ay tinatanggap bilang mapait na katotohanan upang mapabilis ang transaksiyon sa gobyerno o para makatakas sa “red tape”.
Ang red tape o mabagal na proseso sa transaksiyon ay pataba o fertilizers na nagpapasigla o nagsasa-legal o nagsasa-moral ng kickback o SOP—across all departments at across all-level sa burukrasya.
----$$$--
ANG mga naririnig nating opinyon, depensa o paliwanag kaugnay ng korupsiyon ay mga “pagkukunwari” lamang at panggogoyo sa katinuan ng ordinaryong tao.
Sa modernisasyon, gamit ang AI at quantum physics—mabilis dapat ang mga transaksiyon at “transparent”—na siyang solusyon.
-----$$$--
MABAGAL pa rin ang proseso ng transaksiyon sa gobyerno, at itinatago ang datos.
Kapag ibinilad o inilantad ang proseso—step-by-step at detalyado—malayang makakapagbantay ang ordinaryong tao kontra-korupsiyon.
----$$$--
ANG transparency at mabilis na proseso ang dapat yinayakap ng automation across all departments.
Lahat ng sangay—maliit o malaki man—ay dapat may “portal” o “website” na naglalaman ng “daily activities”at “cash-in and cash-out” transactions.
-----$$$--
HINDI ipatutupad ang ating rekomendasyon dahil hindi makakapagdambong at matutukoy agad ang “persons responsible” kada aktibidad.
Ano ang comment mo? Puwede mong i-share o i-like kung gusto mo!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments