Mga alagang baboy, dapat pabakunahan kontra ASF
- BULGAR
- Aug 17, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 17, 2024

Para hindi na lumala pa dapat na mapabakunahan ang mga alagang baboy laban sa African swine fever (ASF).
Kaya naman sisimulan na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang vaccination ng mga baboy sa Martes, August 20, dahil na rin sa patuloy na nakakaapekto ang ASF sa kabuhayan ng maraming hog raisers.
Batay sa report, bumisita na ang BAI sa lalawigan ng Batangas nitong Biyernes, kung saan walong bayan ang nagtala ng mga kaso ng ASF, upang ilatag ang mga layunin ng vaccination program para sa mga alagang baboy. Anila, ang pagbabakuna kontra ASF ay libre at boluntaryo.
Pahayag ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary for Swine and Poultry Dante Palabrica, inilatag nila ang mga patakaran o rules of engagement at hindi sila basta-basta nagbabakuna dahil dapat na mayroon silang mainam na plano hinggil dito.
Sinabi niyang kinausap muna nila ang mga technical people sa Batangas, at hindi kaagad na binakunahan ang mga baboy dahil kailangan nilang maging maingat.
Paliwanag ni Palabrica, ang bakuna ay unang gagamitin sa mga malulusog na baboy at hindi pa na-infect ng ASF, habang hindi ito ituturok sa mga breeder hog. Ang mga inoculated hogs ay sasailalim sa monitoring sa pagitan ng 30 hanggang 60 days.
Subalit aniya, kung magpositibo ay hindi na nila ipapabakuna ang baboy dahil naunahan na ito ng sakit, at hindi na eepekto ang naturang gamot kapag mayroong nasa loob na sakit ang alagang hog.
Ayon sa DA, may kabuuang 600,000 vaccines laban sa ASF ang darating sa bansa sa September.
Binanggit naman ng Davao Occidental’s Provincial Veterinarian Office, na mabibili na ang baboy sa lalawigan sa halagang P1,000 kada ulo dahil ito sa pangamba ng mga hog raiser na mapasama ang kanilang mga baboy sa depopulation sanhi ng ASF.
Gayunman, hindi magkakaroon ng total depopulation dahil ipinapatupad lamang ng gobyerno ang “Test and Destroy” strategy.
Kaugnay nito, magkakaroon ng karagdagang inspection sites para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa ibang mga lugar.
Naglagay na ang DA ng mga inspection sites sa Commonwealth Avenue, Mindanao Avenue, EDSA Balintawak at La Loma sa Quezon City; Marulas at Malanday sa Valenzuela City; Calamba, Laguna; Sto. Tomas, Batangas; at Alfonso sa Cavite.
Mabuti at naging maagap ang kinauukulan na hindi na kumalat pa ang tatamaan ng ASF sa mga alagang baboy ng ating mga kababayan.
Magiging matindi kasi ang epekto nito hindi lang sa kabuhayan ng mga hog raiser kundi pati na rin sa suplay ng ating pagkain.
Mahalaga para sa atin ang karne ng baboy, kaya naman kung magkakasakit sila at magkakahawa-hawa pa, siguradong mamamatay o papatayin na lamang ang mga ito, at kalaunan ay kakapusin na naman tayo na posibleng magresulta sa pag-import sa ibang bansa ng mga pork meat.
Kaya payo natin sa mga kababayan na gawin nating ipabakuna o ipa-check sa kinauukulan ang ating mga alagang baboy para kanilang matingnan agad ang mga ito at hindi na umabot na tamaan ng naturang sakit na tiyak na makakaapekto ng husto sa ating kabuhayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentarios