top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Metro Manila mayors, ‘di pabor na mag-mall ang mga bagets!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 7, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 7, 2020



Kahit nakararamdam tayo ng pangamba ay bahagya nakatutuwa ang anunsiyo ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kanilang panukala na payagan ang mga menor-de-edad basta’t may kasama lamang nakakatanda.


Ang anunsiyo ng DILG ay inihayag matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na manatili sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila kabilang ang pito pang lugar sa ating bansa.


Ang mga lugar na hindi kabilang sa GCQ ay nasa ilalim ng MGCQ ay halos wala namang malaking pinagkaiba at nananatiling hindi pa rin pinapayagan ang mga bata sa mga matataong establisimyento.


Ngunit dahil sa pagpasok nitong buwan ng Disyembre ay nais ng DILG na payagan na umano ang mga bata na magtungo sa mga shopping mall para ma-enjoy naman ang holiday season.


Minsan din tayong naging bata at ramdam na ramdam natin ang pananabik na makapamasyal na, dahil halos mag-iisang taon na tayong nasa quarantine at maraming bata ang hindi man lamang makapaglaro sa labas ng bahay.


Ngunit ang kaligayahang nararamdaman natin para sa mga bata ay biglang naglaho nang muling bawiin ang naturang plano ng DILG dahil tinutulan ito ng mga mayor sa Metro Manila.


Kung ang face-to-face classes ay hindi pa hinihikayat, kahit ng Department of Education (DepEd) mismo kaya mabuti na ring pag-ingatin muna ang mga bata nang hindi lalong kumalat ang sakit.


Kaya nang magbotohan ang Metro Manila mayors ay lumabas na 17-0 ang resulta ng botohan na tutol payagang makapasok ng shopping mall ang mga batang at tanging ang may edad 18 hanggang 65 lamang ang maaari.


Ito ay matapos basahin ng 17 mayors ang rekomendasyon ng Philippine Pediatric Society at ng Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines na lubhang napakadelikado para sa mga medor-de-edad ang magtungo sa mga shopping mall.


Tinukoy ng dalawang pediatrics group na mataas ang tsansa na mahawa sa COVID-19 ang mga bata dahil karaniwang air-conditioned ang mga shopping mall at saradung-sarado, idagdag pa na karaniwan ay hindi sila nakasusunod sa health protocol, lalo na ‘yung sobrang bata pa.


Gayunman, pinapayagan naman ang mga menor-de-edad na makapasok ng shopping mall kung lubhang napakahalaga, tulad ng kailangang magpa-check-up at ang pagamutan ay nasa loob ng shopping mall.


Kung ang pamahalaan lang ang masusunod ay nais nang payagang makapamasyal ang mga bata dahil bukod sa Kapaskuhan ay malaki ang maitutulong nito sa pag-angat ng ating ekonomiya.


Ngunit dahil sa rekomendasyon ng mga eksperto sa ating kalusugan ay kailangan nating sumunod dahil ang mga nangungunang pediatric group na ito ang nakakaalam kung dapat o hindi dapat.


Kunsabagay maging ang OCTA Research team ng University of the Philippines (UP) ay nagpahayag na malaking problema ang bugso ng mga tao ngayong kapaskuhan sa mga shopping mall at posibleng umabot na sa kalahating milyon ang kaso ng COVID-19 sa katapusan ng Disyembre.


Kaya dapat huwag malungkot ang mga magulang lalo na ang mga bata dahil hindi naman ito ipagbabawal kung ligtas na tayo sa COVID-19 pero hangga’t nand’yan ang banta ng panganib ay dapat tayong mag-ingat.


Tiyak namang mas magiging masaya tayong lahat kung ligtas tayong magdiriwang kapiling ang ating mga anak, apo at iba pang kaanak sa darating na araw ng Pasko, kaya okay na ring huwag na munang mag-mall ang mga bata.


Kaya lang nakaka-miss talaga ang maraming batang nagtatakbuhan sa shopping mall, nagsisigawan sa carnival at naghahabulan sa park.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page