Meneses at Daquis, nagtulong para sa HD Spikers vs. Army
ni Gerard Arce / VA - @Sports | March 25, 2022

Ganap na winalis ng Cignal ang group stage matapos pataubin ang Black Mamba-Army, 25-20, 20-25, 25-17, 25-19,kahapon sa pagtatapos ng preliminary round ng 2022 PVL Open Conference sa Paco Arena.
Nagposte ng 12 hits, 2 blocks at isang ace si Ria Meneses para sa kabuuang 15 puntos upang pamunuan ang nasabing ika-apat na sunod na panalo ng HD Spikers.
Tumapos ding may double digit kasunod niya sina Rachel Ann Daquis na may 13 puntos, Ces Molina na may 12 puntos at Roslyn Doria na may 10 puntos.
Kabaligtaran ng Cignal, wala namang naipanalo sa kanilang apat na laro sa eliminations ang Army kung kaya sila ang maiiwan buhat sa 9-team cast sa darating na quarterfinals.
Namahagi naman ng impresibong 41 excellent sets si Maria Angelica Cayuna at 15 excellent digs si Fatima General. Tanging si Honey Royce Tubino lamang ang may malinaw at matibay na bumuhat sa Lady Troopers ng kumana ito ng 21pts (18 attack, 1 block, 2 aces).
“Super happy kami kase nanalo kami sa deadpool kase sobrang hirap ng mga kalaban namin sa pool. Medyo nag-struggle lang kami in todays game kase medyo slow start and credit din sa Army kay coach Kungfu sa dati kong team na pinaghandaan din kami at credit sa teammates ko, actually hindi kami mananalo kung hindi kami nag-work together,” wika ni Daquis. “Bale itong nangyari sa amin na na-sweep naming, mAgiging motivation, maging inspiration namin the next games talga, magsisimula na yung totoong laban, mas eager kami talagang manalo and kailangan talaga hardwork eh dahil ang hirap talaga ng mga kalaban namin.”
Bilang top team sa Pool A, may insentibong twice-to-beat ang Cignal sa susunod na round kung saan makakatunggali nila ang papasok na no.4 team ng Pool B.
Nanguna sa losing cause ng Army si Royce Tubino na umiskor ng 21 puntos pero walang nakuhang sapat na suporta mula sa kanyang mga teammates.





Comments