Mayroon bang double jeopardy sa pagkaso ng rape at sexual abuse?
- BULGAR

- 7 hours ago
- 4 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 1, 2025

Dear Chief Acosta,
Ano ba iyong sinasabing karapatan laban sa double jeopardy sa mga kasong kriminal? Hindi ba nalalabag ito kung bukod sa kasong rape ay may karagdagan pang kasong sexual abuse sa ilalim ng RA 7610? Maraming salamat sa paglilinaw. -- Mervin
Dear Mervin,
Ang sagot sa iyong katanungan ay maaaring matagpuan sa ating Saligang Batas at mga kaugnay na kaso. Para sa iyong kaalaman, ang karapatan laban sa double jeopardy ay nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 21 ng Konstitusyon:
“Section 21. No person shall be twice put in jeopardy of punishment for the same offense. If an act is punished by a law and an ordinance, conviction or acquittal under either shall constitute a bar to another prosecution for the same act.”
Hinggil sa nabanggit, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong People v. Udang (G.R. No. 210161, 10 January 2018) na isinulat ni Honorable Senior Associate Justice Marvic Leonen, ang nasabing probisyon patungkol sa double jeopardy:
“The first sentence of the provision speaks of “the same offense,” which this Court has interpreted to mean offenses having identical essential elements. Further, the right against double jeopardy serves as a protection: first, “against a second prosecution for the same offense after acquittal”; second, “against a second prosecution for the same offense after conviction”; and, finally, "against multiple punishments for the same offense.
Meanwhile, the second sentence of Article III, Section 21 speaks of “the same act,” which means that this act, punished by a law and an ordinance, may no longer be prosecuted under either if a conviction or acquittal already resulted from a previous prosecution involving the very same act.”
Sa madaling salita, ang karapatan laban sa double jeopardy ay nagbibigay-proteksyon sa isang akusado laban sa tatlong bagay: una, laban sa muling paglilitis para sa parehong kaso matapos siyang maabsuwelto; ikalawa, laban sa muling paglilitis matapos siyang mahatulan; at ikatlo, laban sa pagpapataw ng higit sa isang parusa para sa parehong kasalanan.
Samantala, ang ikalawang pangungusap ng Artikulo III, Seksyon 21 ay tumutukoy sa pariralang “the same act,” na nangangahulugang kung ang isang kilos o gawa ay pinarurusahan sa ilalim ng isang batas at isang ordinansa, hindi na maaaring magsagawa ng muling pag-uusig sa alinman sa mga iyon kapag mayroon nang naunang hatol o pagpapawalang-sala para sa naturang gawa.
Kaugnay sa mga nabanggit, binigyang-linaw din sa kaparehong kaso na ang isang kilos o gawa ay maaaring magdulot ng maraming pagkakasala. Kaya naman ang pagsasampa ng kaso sa isang akusado ng panggagahasa sa ilalim ng Revised Penal Code, at ng sekswal na pang-aabuso sa ilalim ng Republic Act No. 7610, kung ang biktima ay isang batang 12 taong gulang pataas, ay hindi lalabag sa karapatan ng akusado laban sa double jeopardy:
“Court disagrees with the trial court’s ruling that charging Udang with both rape, under Article 266-A(l) of the Revised Penal Code, and sexual abuse, under Section 5(b) of Republic Act No. 7610, would violate his right against double jeopardy. xxx
The provisions show that rape and sexual abuse are two (2) separate crimes with distinct elements. The "force, threat, or intimidation" or deprivation of reason or unconsciousness required in Article 266-A(1) of the Revised Penal Code is not the same as the "coercion or influence" required in Section 5(b) of Republic Act No. 7610. Consent is immaterial in the crime of sexual abuse because "the [mere] act of [having] sexual intercourse ... with a child exploited in prostitution or subjected to ... sexual abuse" is already punishable by law xxx
A single criminal act may give rise to a multiplicity of offenses and where there is variance or differences between the elements of an offense in one law and another law as in the case at bar there will be no double jeopardy because what the rule on double jeopardy prohibits refers to identity of elements in the two (2) offenses. Otherwise stated prosecution for the same act is not prohibited. What is forbidden is prosecution for the same offense. Hence, the mere filing of the two (2) sets of information does not itself give rise to double jeopardy. xxx”
Gamit ang nabanggit, sapagkat ang Rape sa ilalim ng Revised Penal Code, at ang sekswal na pang-aabuso sa ilalim ng Republic Act No. 7610, ay may magkaibang mga rekisito o elemento, walang paglabag sa prohibisyon laban sa double jeopardy kung parehas itong isasampa sa korte, sapagkat ang ipinagbabawal ng Saligang Batas ay ang muling paglilitis para sa parehong krimen -- hindi ang muli o sabay na paglilitis para sa parehong gawa o kilos na lumalabag sa higit sa isang batas.
Ibig sabihin, hindi ipinagbabawal ng batas na litisin muli ang isang tao batay sa parehong kilos o gawa, kung iba naman ang krimen na isinampa laban sa kanya. Ang tunay na ipinagbabawal ay ang muling paglilitis para sa parehong krimen o paglabag, kung saan magkapareho ang mga mahahalagang elemento ng dalawang kaso.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments