Mayorya ng mga kabataan, humataw sa nakaraang halalan
- BULGAR
- 4 hours ago
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 16, 2025

Sumilay ang panibagong pag-asa sa puso ng marami nating kababayan sa namumukadkad na resulta ng nakaraang halalan. Tila sandatang magiting na iniunday ng mga botanteng Pilipino na ang mayorya ay mga kabataan ang kanilang karapatang pumili ng napupusuan nilang mga kandidato sa nasyonal at lokal na larangan.
Tumimbuwang ang mga nangingibabaw na pulitikal na angkan sa lokal na lebel tulad ng mga Garcia sa Cebu, mga Bernos sa Abra at mga Velasco sa Marinduque.
Samantala, sa mga naglilitawang 12 pangalan sa pagka-senador ay madarama ang silakbo at alab ng damdamin ng milyun-milyong Pilipinong pumili sa paraang nagbunga ng kasalukuyang listahan ng mga maglilingkod sa Mataas na Kapulungan.
Kapuna-punang balanse ang bilang ng mga nagwagi sa kampo ng administrasyon at pro-Duterte, samantalang namayagpag naman ang dalawang dilawang hindi man lamang lumitaw ang pangalan sa mga pasok sa nagdaang mga senatorial survey.
May mga sikat na pangalang datihan nang senador ang nawala sa “Magic 12”. Hindi umubra ang nakalulunod na pamamaraan ng pangangampanya at walang nagawa ang mga naglipanang poster sa buong panig ng Pilipinas na tila kumikindat sa mga nakakakita nito at nanghahalinang iboto ang mukhang nakahambalang sa kalye.
Hindi naman maikakailang may epekto sa paraan ng paghalal ng marami ang nangyaring pagdagit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula Pilipinas patungong The Hague. Umepekto ang istratehiya ng ilang kandidato na ipaalam sa madla ang kanilang posisyon ukol sa bagay na ito. Ang numero unong senador sa listahan na si Bong Go ay kanang kamay ng dating Pangulo at milya-milya ang layo ng natanggap niyang boto mula sa ikalawa.
Tatlo naman sa “Magic 12” ang hindi naging hadlang ang pagkakaroon ng kapatid at kaapelyido sa Senado para sila iluklok ng taumbayan: si Sen. Pia Cayetano, at mga kilalang kongresistang sina Erwin Tulfo at Camille Villar.
Nagdesisyon ang mamamayang Pilipino. Ang mga kandidatong kanilang tinimbang at napagtantong kulang ay kanilang tinanggihan, samantalang ang kanilang inayunan ay binigyan nila ng mandato para maglingkod.
Aral ang eleksyong ito para sa lahat ng pulitiko. Para sa mga nanalo, isang mariing paalala na ang tatlong taon o anim na taon ng paglilingkod bilang halal na opisyal ay isang pagsubok sa lalim ng kanilang pagmamalasakit para sa taumbayan. Para naman sa mga natalo, isang leksiyon na hindi basta-basta napapaniwala ang mamamayan.
Ang sinumang tunay at ganap na aasinta sa kapakanan ng masang Pilipino ay siyang magwawagi ng kanilang simpatiya. Kaya’t huwag silang paglalangan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments