Mayor Binay, pinutakti ng batikos sa ‘Gil Tulog Ave’, mga tauhan, dapat sibakin
- BULGAR
- Jul 28, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 28, 2024

BUTI PA SI SEN. BONG GO, INANUNSIYO NANG MAGDADALA NG RELIEF GOODS SA MGA BIKTIMA NG BAHA, PERO ANG IBANG SEN. ‘NGANGA’ PA RIN -- Inanunsiyo ni Sen. Bong Go na inihahanda na ng kanyang “Malasakit Team” ang dadalhing relief goods para sa mga kababayang nabiktima ng baha na dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan ng pinagsamang Bagyong Carina at Habagat.
Buti pa si Sen. Bong Go ay nag-anunsiyo na nang katiyakang tulong sa mga nabiktima ng baha, pero iyong ibang senador hanggang ngayon mga “nganga” lang, tsk!
XXX
DAPAT SIBAKIN NI MAYOR BINAY ANG MGA TAUHANG PUMAYAG PALITAN NG ‘GIL TULOG AVENUE’ ANG GIL PUYAT AVENUE -- Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na wala raw siyang kinalaman sa naging desisyon ng mga tauhan niya sa Makati City Hall na pumayag sa kagustuhan ng isang food supplement company na palitan ng “Gil Tulog Avenue” ang signage na Gil Puyat Avenue bilang bahagi ng advertising campaign ng naturang kumpanya.
Aba’y dapat sibakin ni Mayor Abby ang mga tauhan niyang ito kasi nagdedesisyon pala ang mga ito nang hindi ipinaaalam sa Office of the City Mayor na nagdulot tuloy upang siya (Mayor Abby) ang putaktihin ng batikos sa social media, period!
XXX
HUWAG BASTA PANIWALAAN ANG MGA MAGAGANDANG PROMISE NI PBBM SA MAMAMAYAN – Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay marami siyang sinabi na magagandang plano niya para sa sektor ng agrikultura, edukasyon at kalusugan.
Ang mga magagandang sinabing ito ni PBBM ay hindi dapat basta-basta pinaniniwalaan ng publiko, kasi nga sa panahon man ng kanyang SONA o hindi ay marami siyang magagandang sinasabi na hindi natutupad, tulad ng napakagandang statement niya noon na gagawin niyang P20 per kilo ng bigas na hindi pa rin natutupad, paglansag sa sindikato ng smuggling na hindi rin nangyari, pagpapatigil sa online sabong na hindi rin natupad, boom!
XXX
DAPAT ISAPUBLIKO NG MALACANANG ANG MGA LUGAR SA IBINIDA NI PBBM TUNGKOL SA HIGIT 5 LIBONG FLOOD CONTROL PROJECT NA NATAPOS GAWIN NG MARCOS ADMIN -- Hanggang ngayon ay pinuputakti nang batikos si PBBM sa ibinida niya sa kanyang SONA na mahigit 5,000 flood control project na ang natapos gawin ng kanyang pamahalaan.
May dahilan naman talaga ang publiko na batikusin siya kasi dalawang araw matapos niyang ibida ito ay binaha ang Metro Manila at mga karatig lalawigan, na ayon sa mga netizens sa social media ay panloloko lang sa mamamayan ang sinabing ito ng Presidente.
Para matigil na ang pambabatikos sa kanya, dapat isapubliko ng Malacañang kung saan-saang lugar ang mahigit 5,000 flood control project na natapos nang gawin ng Marcos administration, period!




Comments