Mayor Abalos, dapat ambulansya ang binili para sa 27 barangay, at hindi namudmod ng SUV sa mga tserman

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 28, 2026

SPAGDALO NI VP SARA SA BUDGET DELIBERATION SABLAY KASI NA-BASH SIYA DITO, KAPAG PERA RAW USAPAN DUMADALO, KAPAG SA IMPEACHMENT AYAW DUMALO —Kung sinuman ang nag-advise kay Vice President Sara Duterte na dumalo sa budget deliberation para sa proposed budget ng Office of the Vice President (OVP), ay sablay ang advice na 'yan.
Tulad kasi ng Presidente, ang Vice President ay puwede rin hindi dumalo sa budget deliberation, representante lang ng kanilang mga tanggapan ang dumalo, ay awtomatikong inaaprub ng Senado sa pamamagitan ng tinatawag na "parliamentary courtesy" ang proposed budget ng OP at OVP.
Kaya natin nasabing sablay ang pagdalo ni VP Sara sa budget deliberation ay pinutakti siya ng batikos dito, na ayon sa mga netizens ay kapag pera raw ang usapan ay simbilis ng kidlat na dumadalo ang Bise Presidente, pero sa kinakaharap niyang impeachment case sa Senate Impeachment Court, ayaw dumalo, boom!
XXX
PINALITAN NI PBBM ANG HEAD NG MAHARLIKA INVESTMENT CORP. NANG HINDI MAN LANG ISINAPUBLIKO KUNG ANO NA ANG NANGYARI SA P500B MAHARLIKA INVESTMENT FUND — Itinalaga ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos (PBBM) si Ma. Angela Ignacio bilang bagong president at Chief Executive Officer (CEO) ng Maharlika Investment Corporation (MIC), kapalit ni Rafael Consing Jr. na natapos ang 3-year term noong November 23, 2026.
Ang isyu rito ay ang pagtatapos ng termino ni Consing sa MIC nang hindi isinasapubliko ng Malacañang kung ano na ang nangyari sa P500 billion na pera ng bayan na inilagak sa Maharlika Investment Fund (MIF) na siyang ipinangpuhunan sa MIC.
Kung ayaw itong isapubliko ng Malacañang, ang dapat umaksyon dito ay ang Senado, dapat ipatawag sina Consing at ang bagong head ng MIC na si Ignacio, at alamin sa kanila kung kumikita o nalulugi sa isyu ng investment ang MIC, period!
XXX
NAKATIKIM SI SEN. ALAN CAYETANO NG DOBLENG PAMBA-BASH PATUNGKOL SA SABLAY NA P10K AYUDA AT PAEPAL NA P170K NA AMBAGAN — Dahil sa sinabi ni Sen. Alan Cayetano na dapat daw mag-ambagan ng tig-P170k ang mga Pilipino para mabayaran ang utang ng Pilipinas sa mga financial institution sa mundo, ay naungkat uli ang napakong pangako ng senador na ayudang P10k sa bawat pamilyang Pinoy.
At dahil diyan, dobleng pamba-bash ang inaabot ngayon ni Sen. Alan Cayetano, ang isyung sablay na P10 ayuda at paepal na P170k na ambag, boom!
XXX
MAPUPURI SI MAYOR MENCHIE ABALOS KUNG 27 AMBULANSYA ANG KANYANG BINILI, PERO DAHIL 27 SUV ANG BINILI NG CITY HALL, BASH TULOY ANG KANYANG INABOT — Hanggang ngayon ay pinuputakti ng batikos si Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos sa isyu ng pagbili ng city hall ng 27 Sports Utility Vehicle (SUV) na kanyang ipinagkaloob sa 27 barangay chairman sa lungsod.
Kung ang binili ng city hall ay 27 ambulansya at ipinamahagi ito sa 27 barangay sa lungsod, tiyak mapupuri si Mayor Abalos, pero dahil SUV ang binili at ipinamudmod sa 27 barangay chairman, eh talaga namang kabati-batikos ito, period!




Comments