top of page
Search
  • BULGAR

May “profiling” sa mga organizers ng community pantries?!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | April 25, 2021


Si NTF-ELCAC spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. mismo ang umamin na gumawa sila ng “profiling” ng mga nasa likod ng community pantries.


Aniya, nais nilang malaman na hindi pinapasukan ng mga komunista ang kilos na ito. Natakot ang nasa likod ng community pantry sa Maginhawa, Quezon City, ang unang nagtayo ng ganitong pamamaraan para mamahagi ng tulong sa mga nangangailangan.


Samantala, bagama’t nagsara pansamantala, ngayon ay muli na itong nagbukas — lahat ay boluntaryo lamang. Boluntaryo ang mamigay ng pagkain, damit, kagamitang-bahay at kung anu-ano pa — boluntaryo ang nagbabantay sa mga pantry para walang umabuso.


At ano ang unang iisipin? Mga komunista ito at dapat malaman ng NTF-ELCAC ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanila. Sino ang hindi matatakot kung may biglang gustong malaman ang lahat ng impormasyon mo, mas lalo na kung pulis? Itinatanggi ni Parlade na sila ay nag-“red-tagging”. Nais lang umano nilang malaman kung sino ang mga nasa likod ng mga pantry at hindi kasangga ang anumang grupo.


Ganito na ang estado ng ating bansa. May mga nais lamang tumulong sa kapwa, komunista na agad ang tingin sa kanila. Hindi nakapagtataka kung taga-suporta ang mga ito ng kasalukuyang administrasyon, batay na rin sa mga pahayag sa social media.


At hindi nag-aksaya ng panahon si Parlade at ang QCPD — agad kumilos. May mga hindi talaga matanggap kapag may ibang mas naunang nakagagawa ng mabuti kaysa sa kanila. Naaalala ba ninyo si Manuelito Luna ng PACC na nais kasuhan si VP Leni Robredo noong mga unang araw ng pandemya at lockdown dahil nauna siya sa pag-isip ng mga dormitoryo at masasakyan ng mga medical frontliners, pati ang donasyon ng mga PPE sa ospital?


Pabayaan umano na gobyerno ang kumilos at sinasapawan sila. Sa pahayag na ‘yan ay malinaw na hindi bahagi ng gobyerno ang tingin kay Robredo, kahit halal pa ng mamamayan. Mabuti na lang at sinibak agad ni Pangulong Rodrigo Duterte itong si Luna.


Nagpahayag na ang Palasyo na pabayaan ng NTF-ELCAC ang mga community pantries na nag-usbungan na sa buong bansa. Wala rin daw utos ang DILG sa PNP na alamin ang impormasyon ng mga nasa likod nito.


Nagsalita rin si DOJ Sec. Menardo Guevarra na mali ang isailalim ng pulis sa interogasyon ang tao maliban kung may paniniwalang lumalabag sa batas. Ang Palasyo, DILG, DOJ ang mga nagsalita na pabayaan ang mga community pantries. Sana, totoo talaga ang lahat ng kanilang pahayag at makinig ang NTF-ELCAC, ang PNP at lalo na si Parlade.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page