top of page
TEKA NGA - KATHRYN, OBYUS NA WALA NANG GANANG UMARTE-FB Netflix.jpg

May ‘K’ daw maging next Bad Boy, Kathryn… SEN. ROBIN, NANINIWALANG ‘DI NA KAILANGAN NI DANIEL NG KA-LOVE TEAM

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 13
  • 3 min read

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | June 13, 2026



TEKA NGA - SEN. ROBIN, NANINIWALANG ‘DI NA KAILANGAN NI DANIEL NG KA-LOVE TEAM-IG _robinpadilla & _supremo_dp

Photo: IG _robinpadilla & _supremo_dp



Opisyal nang ipinasa ni Sen. Robin Padilla sa kanyang pamangkin na si Daniel Padilla ang titulong ‘Bad Boy’ na nagpasikat sa kanya noon sa showbiz. 


Para sa senador, si Daniel ang karapat-dapat na magmana ng naturang titulo dahil napatunayan na nito ang kanyang kakayahan bilang aktor at kaya nitong magtagumpay kahit wala nang ka-love team.


Tahimik man si Daniel, may taglay din umano itong kabruskuhan at natural na karisma na nagugustuhan ng marami. 


Gayunman, nilinaw ni Sen. Robin na malayo si Daniel sa imahe ng isang tunay na bad boy. Isa umano itong mabait, mapagmahal at responsableng anak at kapatid. Kaya naman proud na proud siya sa kanyang pamangkin na aniya’y taglay ang mga katangian ng isang tunay na Padilla.


Marami tuloy ang nagtatanong kung mamamana rin kaya ni Daniel ang reputasyon noon ni Sen. Robin bilang isa sa mga pinakasikat na leading men sa showbiz. Kilala noon ang senador sa dami ng mga naging karelasyon, ngunit nagbago umano ang lahat nang dumating sa kanyang buhay si Mariel Rodriguez. 

Sa kasalukuyan, isa na siyang tapat at dedikadong mister.





MAY ilang netizens na nakikisimpatya kay Dennis Padilla kaugnay ng petisyon ng anak niyang si Claudia na alisin na ang apelyidong Baldivia at gamitin na lamang ang apelyidong Barretto.


Para sa ilan, masakit itong tanggapin para sa isang ama dahil tila sumasalamin ito sa lamat ng kanilang relasyon. 


Gayunman, sinabi ni Dennis na inirerespeto niya ang desisyon ng kanyang anak. Ang mahalaga para sa kanya ay malaman ng kanyang mga anak kay Marjorie Barretto na hindi nagbabago ang kanyang pagmamahal para sa kanila. Wala na rin umano siyang balak na kuwestiyunin pa ang naging desisyon ni Claudia.


Sa kabila nito, may mga nagsasabing sana ay hindi tuluyang lumayo ang loob ng mga anak kay Dennis. May ilan ding nag-uugnay dito sa matagal nang sigalot nila ni Marjorie.


Ikinukumpara naman ng iba ang sitwasyon sa naging setup nina Cesar Montano at Sunshine Cruz, gayundin nina John Estrada at Janice de Belen, na nananatiling maayos ang ugnayan sa kanilang mga anak kahit matagal nang hiwalay.


Para sa marami, mahalaga pa rin ang presensiya ng ama sa buhay ng mga anak. Higit sa anuman, respeto at pagmamahal lamang ang hangad ni Dennis mula sa kanyang mga anak.





SERYOSO ang aktor na si Jake Vargas sa relasyon niya kay Inah de Belen, anak nina Janice de Belen at John Estrada. Patunay dito ang mahigit sampung taon nilang pagsasama.


Ayon kay Jake, kabilang na sa kanilang mga plano ang pagpapakasal at kasalukuyan nila itong pinaghahandaan. 


Sa tagal ng kanilang relasyon, naniniwala silang lalo nilang nakilala at naunawaan ang isa’t isa.


Bukod sa pagiging katuwang niya sa buhay, katuwang din ni Jake si Inah sa kanilang mga negosyo. 


Ayon sa aktor, natagpuan niya ang peace of mind at tunay na kaligayahan sa kanyang nobya, dahilan upang lalo siyang ma-inspire sa kanyang career.


Samantala, nagpapasalamat din si Jake sa patuloy na tagumpay ng sitcom na Pepito Manaloto (PM), na 16 na taon nang napapanood sa GMA-7 tuwing Sabado nang gabi.

Sa sitcom, ginagampanan niya ang papel ni Chito, ang panganay na anak nina Elsa (Manilyn Reynes) at Pepito (Michael V.).


Hindi rin nakakalimot si Jake sa malaking ambag ng yumaong Master Showman na si German Moreno sa kanyang karera. Si Kuya Germs ang nagsilbing mentor at tatay-tatayan niya noong nagsisimula pa lamang siya sa industriya.


Noon ay binansagan siyang ‘Prince of Mall Shows’ dahil sa matinding suporta ng kanyang mga tagahanga sa kanyang mga mall shows. 


Naging ka-love team niya rin si Bea Binene, bagama’t inamin niyang si Lexi Fernandez ang una niyang naging nobya.


Ngayon, si Inah de Belen na ang itinuturing niyang tunay na pag-ibig at ang babaeng nais niyang makasama habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page