May “K” ang illegitimate child na magmana sa naiwan ng tatay
- BULGAR
- Jun 2, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 02, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang kapatid ko ay kasama na ang aking mga magulang at lolo’t lola sa kabilang buhay. Namatay siya na walang asawa at nagkaroon ng anak sa pagkabinata na kanyang kinilala at sa kanya naka-apelyido. Wala siyang naiwan na huling habilin kaya’t hindi ako sigurado kung magmamana ang nasabing anak. May karapatan bang magmana sa kanya ang anak sa pagkabinata? – Mariluz
Dear Mariluz,
Una sa lahat, tinukoy sa Article 165 ng Family Code of the Philippines kung sino ang illegitimate children, kung saan nakasad na:
“Children conceived and born outside a valid marriage are illegitimate, unless otherwise provided in this Code.” (Binigyang-diin)
Samakatwid, ang anak sa pagkabinata ng inyong namatay na kapatid ay itinuturing sa batas na illegitimate child dahil hindi kasal ang kanyang mga magulang.
Nakasaad sa Article 960 ng “Civil Code of the Philippines” na legal o intestate succession ang magaganap kapag ang tao ay namatay nang walang habilin. Nakasaad din sa Article 988 ng nasabing batas na:
“Art. 988. In the absence of legitimate descendants or ascendants, the illegitimate child shall succeed to the entire estate of the deceased.” (Binigyang-diin)
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, sa kawalan ng mga lehitimong kaapu-apuhan at kanunu-nunuan, ang illegitimate child ang magmamana sa lahat ng ari-arian ng namatay.
Sa sitwasyong ito, legal o intestate succession ang naganap dahil walang iniwang habilin ang namatay ninyong kapatid. Ang kanyang anak sa pagkabinata ang tanging tagapagmana sa lahat ng kanyang ari-arian dahil wala siyang asawa’t ibang anak at patay na ang inyong mga magulang at lolo’t lola.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments