May “K” ang estudyante na pumili ng sariling review center
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 04, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nag-aaral ng Bachelor of Science Major in Accounting at malapit na ang aming board exam. Napagdesisyunan ko na mag-enroll sa review center na malapit sa aming tirahan, ngunit hindi ito pinayagan ng aming kolehiyo dahil sa kanilang napili na review center lang diumano ako dapat kumuha ng mga review classses at magbayad ng kaukulang fees para rito. Tama ba ito? – Angel
Dear Angel,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 4 ng Republic Act No. 10609 na mas kilala bilang Protection of Students Right to Enroll in Review Centers Act of 2013, kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Section 4. Unlawful Acts. – In recognition of the student’s freedom to choose his/her review center, the following acts by HEIs shall be considered unlawful: xxx (3) Forcing students to enroll in a review center of the school’s choice, and to pay the corresponding fees that include transportation and board and lodging; xxx.”
(Binigyang-diin)
Malinaw sa nabanggit na probisyon na ipinagbabawal ng batas ang mga kolehiyo o Higher Educational Institutions (HEI) na pilitin ang kanilang mga estudyante na mag-enroll sa review center na kanilang pinili, pati na rin ang pagpilit sa pagbayad ng mga kaukulang fees, kasama na ang mga pambayad sa transportasyon at board at lodging ng estudyante. Sa inyong sitwasyon, labag sa batas ang pagpilit ng inyong kolehiyo na kumuha kayo ng review classes sa kanilang napiling review center at magbayad ng mga kaukulang fees para rito. Bagama’t tinatanaw ng estado ang mga ginagampanang katungkulan ng mga institusyon ng pag-aaral, responsibilidad ng estado na proteksiyunan ang mga karapatan ng estudyante na pumili ng kanilang nais na review center.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments