May “K” ang estudyante na mamili ng sariling review center
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 04, 2021
Dear Chief Acosta,
Nag-aaral ako sa kolehiyo at palapit na ang aming board exam, kaya nag-enroll ako sa review center na malapit sa aming tirahan. Subalit, hindi ito pinayagan ng aming school dahil sa kanilang napili na review center lamang diumano ako dapat kumuha ng mga review classes at nararapat na ako ay magbayad ng kaukulang fees para rito. May batas ba tungkol dito? – Geraldine
Dear Geraldine,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Republic Act No. 10609 na mas kilala bilang ”Protection of Students’ Right to Enroll in Review Centers Act of 2013”, kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Section 4. Unlawful Acts. – In recognition of the student’s freedom to choose his/her review center, the following acts by HEIs shall be considered unlawful: xxx
(3) Forcing students to enroll in a review center of the school’s choice, and to pay the corresponding fees that include transportation and board and lodging; xxx.”
Malinaw na nakasaad sa nasabing probisyon ng batas na ipinagbabawal sa mga kolehiyo o Higher Educational Institutions (HEI) na pilitin ang kanilang estudyante na mag-enroll sa review center na sila mismo ang pumili, pati na rin ang pagpilit sa mga mag-aaral nito na magbayad ng mga kaukulang fees tungkol dito. Kasama rin sa ipinagbabawal ang sapilitang pagpapabayad ng transportasyon at board and lodging fees buhat sa kanilang estudyante, kaugnay ng pagre-review sa napili nilang review center. Sa inyong sitwasyon, hindi kayo maaaring pilitin ng inyong kolehiyo na kumuha ng review classes sa kanilang napiling review center at magbayad ng mga kaukulang fees para rito. Bagama’t tinatanaw ng estado ang mga ginagampanang katungkulan ng mga institusyon ng pag-aaral, responsibilidad ng estado na proteksiyunan ang mga karapatan ng mga estudyante na pumili ng kanilang nais na review center.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments