May “K” ang babaeng biktima ng pang-aabuso na lumiban sa trabaho
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 29, 2021
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong kakambal na babae na naghain ng Violence Against Women and Their Children (VAWC) dahil sa pang-aabuso ng kanyang dating live-in partner. Nagpalabas na ng Resolusyon tungkol sa pagsasampa ng kaso sa korte. Batid namin na mangangahulugang kakain ito ng panahon at atensiyon ng kapatid ko. Bago pa lamang siya sa trabaho. Maaari kaya siyang lumiban sa trabaho kung sakaling kailangan niyang dumalo sa hearing? Iilan pa lamang kasi ang leave niya at baka hindi iyon sapat. Ayaw niyang mag-absent kung sakali. – Charlie
Dear Charlie,
Ang batas na Republic Act No. 9262 o mas kilala bilang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” ay isinabatas upang palawigin ang mga legal na paraan upang maprotektahan ang dignidad at pagkatao ng kababaihan mula sa posibleng pang-aabuso ng kanilang kinakasama o kabiyak sa buhay.
Maliban sa pagsasaad ng mga probisyon na nagbibigay ng kaukulang parusa sa mga umaabuso sa kababaihan ay binibigyan din ng naturang batas ng seguridad ang kababaihang tutulong sa kanila upang masigurong maisusulong nila ang kanilang legal na pakikibaka.
Ang isa na rito ay ang pagbibigay ng ilang araw na pagliban sa kanilang trabaho, na kailangang ipagkaloob ng kanilang employer. Malinaw na nakasaad sa Section 43 ng R. A. No. 9262 ang sumusunod:
“SECTION 43. Entitled to Leave. – Victims under this Act shall be entitled to take a paid leave of absence up to ten (10) days in addition to other paid leaves under the Labor Code and Civil Service Rules and Regulations, extendible when the necessity arises as specified in the protection order.
Any employer who shall prejudice the right of the person under this section shall be penalized in accordance with the provisions of the Labor Code and Civil Service Rules and Regulations.
Likewise, an employer who shall prejudice any person for assisting a co-employee who is a victim under this Act shall likewise be liable for discrimination.”
Kaugnay nito, maaaring lumiban sa trabaho ang kapatid mo upang makadalo siya sa mga magiging pagdinig kaugnay sa kanyang reklamo laban sa kanyang dating live-in partner gamit ang paid leave credits na ipinagkakaloob ng batas. Mahalaga lamang na ipaalam niya ito sa kanyang employer bago ang araw ng kanyang hearing at makapagsumite siya ng kaukulang application for leave upang hindi masagasaan o maapektuhan ang mahahalaga niyang tungkulin sa kanyang trabaho.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments