May ‘bumubuo’ ng civil-military junta, sinu-sino?
- BULGAR

- 15 hours ago
- 3 min read
ni Ka Ambo @Bistado | November 22, 2025

Aktuwal nang ibinunyag ni Sen. Ping Lacson na dinedma niya ang alok na mapasama siya sa isang “civil-military junta”.
Hindi isyu rito kung sasali o hindi sasali si Lacson sa junta, bagkus ay isang kumpirmasyon ito na “may bumubuo ng civil-military junta”.
-----$$$--
MASELAN ang expose, kasi bakit ‘nakatakas’ sa ISAFP ang naturang highly confidential information?
May itinatago ba ang AFP?
Nasaan ang transparency?
------$$$--
OBLIGADO ngayon si Lacson na ibunyag kung sino at sinu-sino ang nag-alok sa kanya na makasali sa junta.
Sa totoo lang, sintomas na rin ng ‘pag-uulyanin’ ang estilo ni Lacson, dahil hindi niya “sinasadya” — nabubunyag ang highly confidential information.
-----$$$--
SINTOMAS ito ng paghina ng “cognitive” dahil hindi niya nakontrol ang sarili at ibinunyag ang lihim na usapan.
Tama lang ang ulat na hindi na dapat kumandidato pa si Lacson at kanyang tandem na si Senate President Tito Sotto sa mga susunod na eleksyon.
-----$$$--
NAUNA rito, inabsuwelto ni Lacson si PBBM sa isyu ng P100 bilyong budget insertion — nalimutan niya na hindi niya trabaho ang humatol o magdesisyon, bagkus — limitado lamang ang Blue Ribbon Committee sa pagkalap ng datos — “IN AID OF LEGISLATION”.
Masyadong premature ang “hatol” ni Lacson dahil nagsisimula pa lamang makakalap ng mga datos — at hindi pa nagbibigay ng testimonya ang ilang testigo.
-----$$$--
NAWAGLIT sa isip ni Lacson na hindi niya sinasadya — naikumpirma rin niya ang pagiging “guilty” ng executive branch ng gobyerno bilang main proponent ng P100 bilyong insertion.
Dahil hindi na makakaiwas pa si Lacson makaraang ituro niya sina ex-Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman bilang mga posibleng “nagmaniobra” sa iskema.
Paano ngayon ‘yan?
-----$$$--
MALINAW ngayon na ang P100 bilyong insertion scam ay natukoy sa tanggapan ng Punong Ehekutibo — na ikinakatawan nina Bersamin at Pangandaman — kapwa alter-ego ni PBBM!
Indirectly, hindi maiiwasang maidawit dito ang mismong Chief Executive — dahil sa command responsibility!
Pero, hindi napapansin ng marami, inililigtas lamang ni Lacson bilang “mastermind” ang Kongreso — mga senador at kongresista.
-----$$$--
MALINAW na hindi patas ang kaliwat’t kanang imbestigasyon — dahil ang mga nag-iimbestiga ay nagmula sa “institusyong iniimbestigahan” mismo — ehekutibo at lehislatura.
Maging ang ICI ay nilikha gamit ang executive order — gayung ang isinasangkot ay mismong lumikha ng “executive order”.
Paano natin ipapaliwanag ‘yan sa mga kabataan, sa hukuman at sa mga eksperto sa batas?
----$$$--
ANG pagsisiyasat sa multi-bilyong pisong insertion ay ginagampanan dapat ng isang “COMPOSITE TASK FORCE” na bubuuin ng mga kinatawan ng constitutional bodies — gaya ng Civil Service Commission, Commission on Audit, Commission on Elections at Ombudsman — wala silang pananagutan sa Chief Executive, bagkus ay tanging sa KONSTITUSYON LAMANG!
Para maging patas at malinis — bigyan ng puwang bilang observers ang religious group, business sector, kabataan at maging ang “media community”.
-----$$$--
WALANG pasusulingan ang imbestigasyon — dahil aakusahang pamumulitika at “whitewash” ang imbestigasyon — dahil sa kaduda-dudang komposisyon ng mga imbestigador.
Sabagay, may sapat pang panahon — para maitama ito ng Malacañang — sa lalong madaling panahon, bago makaranas ng “credibility crisis” ang imbestigasyon.
-----$$$--
TANGGAPIN sana si PBBM ang mapait na katotohanang ito, bago mahuli ang lahat!
Kailangang “malinis” ang pangalan ni PBBM ng grupong walang bahid-pagdududa!
Nauunawaan kaya niya ito?
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments