May basbas ng Comedy King… ZSA ZSA, INAMIN KAY DOLPHY BAGO NAMATAY NA MAG-AASAWA PA SIYA
- BULGAR

- Jun 14
- 3 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 14, 2026

Photo: FB Zsa Zsa Padilla & Positively Filipino
Binalikan ni Zsa Zsa Padilla ang mga alaala niya sa dating partner na si Comedy King Dolphy bilang paggunita na rin sa nalalapit na araw ng kamatayan nito.
Sa latest vlog ni Julius Babao ay mapapanood ang tour ng anchor-broadcaster sa Casa Esperanza farm sa Lucban, Quezon na pag-aari ng Divine Diva at ng current partner nitong si Conrad Onglao.
Pag-alala ni Zsa Zsa, kung komedyante raw si Dolphy at magaling magpatawa sa mga pelikula, sa totoong buhay ay tahimik ito.
“He’s a man of few words. Ayaw n’ya ng arguments. Minsan, kakausapin ko s’ya, galit ako, mataas ang boses ko, nanonood lang s’ya ng TV,” kuwento ni Zsa Zsa.
In real life, noong nabubuhay pa ay hindi raw nagpapatawa parati si Dolphy.
“No, never at home. Seldom, sometimes, yeah,” aniya.
Dagdag pa ni Zsa Zsa, “Actually, during that time, I was the funny one. My kids would say, ‘No, mama is the funniest.’ Yeah, ako ‘yung ganu’n.”
Binalikan din ng singer ang last moments ni Dolphy matapos itong ma-diagnose na may Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) at tinaningan na ng doktor.
“Bago s’ya namatay ng complications ng COPD, alam na namin na papunta na siya sa last stage. Then before that, we had to meet everybody and let them know that his time was very... you know. I think, he lived 2 years pa, almost 2 years from the time that we told everyone na may taning na ‘yung buhay n’ya,” aniya.
Inalala rin ni Zsa Zsa na bago namatay si Dolphy ay tinanong pa siya nito kung makikipagrelasyon siya ulit kapag nawala na siya.
“I said ‘yes,’ and then he said, ‘Bata ka pa.’ He accepted it,” kuwento ng Divine Diva.
Two years after Dolphy died ay nakilala niya si Conrad at humantong ito sa isang relasyon at hanggang ngayon ay maligaya sila sa kanilang pagsasama.
Pero hindi pa rin niya nakakalimutan si Dolphy at madalas pa rin siyang dumadalaw sa puntod nito lalo na sa mahahalagang okasyon tulad ng death anniversary o kaarawan nito.
Ayon kay Conrad, wala namang pagseselos sa kanya sa tuwing pumupunta si Zsa Zsa sa puntod ni Dolphy at madalas ay inihahatid pa raw niya ito.
“S’yempre, parte ng buhay n’ya ‘yun saka tatay ng anak n’ya,” sey ni Conrad.
Matatandaang pumanaw ang Hari ng Komedya noong July 10, 2012.
PANG-INTERNATIONAL din ang FPJ’s Batang Quiapo (BQ) dahil available na ang ika-apat na season nito sa 41 bansa sa Africa.
Pagkatapos maging pinakapinanonood na primetime series sa Pilipinas mula 2023 hanggang 2026, umabot na sa ibang bansa ang mga sumusubaybay sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin dahil available ito sa Africa na naka-English, Portuguese, at French sa pamamagitan ng StarTimes channel.
Patuloy na lumalawak ang mga manonood ng serye, na kilala sa pamagat na Gangs of Manila, dahil maski sa online ay dumadagsa ang mga positibong reaksiyon ng mga netizens sa Facebook (FB) at TikTok (TT) posts ng StarTimes na kaugnay dito.
Umiikot ang ika-apat na season ng BQ sa huling yugto ng pakikipagsapalaran ni Tanggol kung saan ibabalik niya ang dangal ng Maynila bilang bagong mayor ng lungsod.
Kasabay ng pagpatok ng FPJ’s Batang Quiapo sa Africa ay ang inaabangang pagbabalik-primetime ni Coco kasama si Julia Montes sa action-romance seryeng Coco Martin’s Sigabo.
Pumatok ang BQ sa mga Pilipino dahil bukod sa pamamayagpag bilang top-rating teleserye sa Pilipinas, nagwagi rin ito ng mga pagkilala kabilang na sa unang Philippine Arts, Film, and Television Awards (PAFTA) kung saan nanalo ito ng Best Drama Series, Best Drama Actor para kay Coco Martin, at Best Breakthrough Performance para kay Maris Racal.
Sa mahigit 50,000 oras ng content na naibenta sa higit 50 bansa sa buong mundo, patuloy na pinapalawak ng ABS-CBN ang global reach ng Filipino storytelling—pinatutunayan na kayang makipagsabayan ng mga kuwentong Pilipino sa pinakamalalaking entablado ng mundo.





Comments