May agimat ako, may agimat ka!
- BULGAR
- Nov 1, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 1, 2021
Marami sa ating mga kababayan ang nahihiwagaan kung gaano nga ba katotoo ang agimat at kung bakit marami ang naaakit na gumamit o magkaroon nito para magkaroon ng bentahe o kapangyarihan sa pakikihalubilo sa mundo.
Ngunit sa atin ay hindi na bago ang agimat dahil lumalaki akong nakikita ang iba’t ibang klase ng agimat at naririnig pa mula sa mga kuwento ng aking ama na si Ramon Revilla,
Sr.
Ang aking ama na bago pa naging Senador ay nakilala dahil sa paggawa niya ng mga pelikulang may kinalaman sa agimat o anting-anting na ayon sa maraming manunulat ay bahagi na ng kultura hindi lang sa Cavite kung hindi sa atin mismong pagka-Pilipino.
Para sa mga naniniwala at may mga karanasan na sa paggamit ng agimat ay mahalaga umano na masubukan muna ito sa mismong araw ng Biyernes Santo bago mag alas-3: 00 ng hapon o bago sumapit ang oras ng kamatayan ng Panginoong Hesus.
Ang pagsubok sa araw ng Biyernes Santo ay para umano sa mga agimat na puti o positibo at wala namang itinakdang oras para sa itim na agimat o negatibo na kahit anong panahon ay maaaring subukan.
Base sa paliwanag ng ilang eksperto na sumulat ng mga aklat hinggil sa bisa ng agimat ay natukoy na ang iba’t ibang kuwento hinggil dito at maituturing na bahagi na ng kulturang Pilipino na labis na pinaniniwalaan ng ating mga ninuno.
Maraming mga pangyayari na pinatutunayan ng mga matatandang Pilipino na naniniwala sa mga anito na malaki ang naitulong ng agimat para manalo sila sa pakikipagdigma partikular ang mga tagumpay ng ating mga kilalang rebolusyunaryo at mga bayani.
Tulad natin na lehitimong taga-Cavite at nagmula sa lahi ng tagapangalaga ng agimat ay hindi ko naman ginamit sa araw-araw kong pamumuhay ang bentahe nito at sa halip ay nagsumikap ako sa aking larangan.
Magkakaiba ang klase ng agimat, may mga medalyon, may mga orasyon, may mga bala ng baril na galing umano sa tagumpay na pakikipagdigma at marami pang iba na nagkakaroon lamang umano ng bisa sa mga taong naniniwala rito.
Sa ating paglaki ay marami tayong nakilala na kaibigan ng aking ama na madalas ay ang bisa ng agimat ang pinag-uusapan at isa sa aking nasaksihan ay ang isang maliit na libro na isinulat sa Latin na iba’t iba ang bisa depende kung saan mo nais gamitin.
Merong gamit para sa sugal, may sa taga-bulag, karagdagang lakas, husay sa panliligaw at marami pang kapangyarihan na ang tanging dapat gawin lamang ay usalin ng paulit-ulit ang nilalaman ng naturang libro tuwing Martes at Biyernes kung saan mas malakas umano ang kapangyarihan nito.
Medyo nagkakaroon lamang ng kaunting pag-aalinlangan sa paggamit ng agimat dahil marami sa atin ang higit ang pananampalataya bilang Kristiyano at inaakala ng ilan na tila may komplikasyon ang agimat sa pananampalataya na hanggang ngayon ay wala namang matibay na patunay.
Marami ang nabubuhay sa agimat, kabilang na ang mga nagbebenta nito na agad hinusgahan na hindi naman umano totoo at isang malaking kalokohan ngunit ang mga nag-aakusa ay wala namang sumubok kahit isa kung may bisa nga o wala.
Sa bayan ng Noveleta sa Cavite ay may ilang pamilya na kilala sa paggawa ng medalyon simula pa noong dekada 70 at sila rin ang nagsu-supply ng mga ibinibentang medalyon sa Quiapo at sa ibang tapat ng mga simbahan sa iba’t ibang lugar.
Kapansin-pansin din na kung galing sa kadiliman ang mga agimat na ipinagbibili ay bakit nakaugalian na ng marami nating kababayan na ipagbili ito sa tapat mismo ng mga simbahan na lugar para naman sa pananampalataya ng mga Kristiyano.
Ilan sa mga popular na ipinagbibiling medalyon ay ang Santo Niñong Hubad, ang atador at combate espiritual para hindi tablan ng bala, kambal tuko at mag-asawang duwende na pampasuwerte, Birheng nagpapasuso at Santiago de Galicia para sa kaligtasan at marami pang iba.
Paano rin natin pabubulaanan ang kuwento na ginampanan mismo ng aking ama bilang ‘Nardong Putik’ na hindi tinatablan ng bala kapag nakaapak sa putik na hindi naman basta isinulat dahil sa base ito sa tunay na pangyayari at pananaliksik. Si Nardong Putik na Leonardo Manicio sa totoong buhay ay public enemy number 1 dahil sa sumikat itong itong kriminal noong taong 1950 at maraming insidente na nasukol ito ng maykapangyarihan ngunit hindi namamatay sa mga enkuwentro dahil sa bisa ng agimat nito.
Hanggang sa kasalukuyan ay marami ang gumagamit ng agimat para sa kanilang proteksiyon, kabuhayan, kalusugan, lakas at iba pang kapangyarihan na karaniwang iniingatan ng mga manghihilot, albularyo at faith healer sa maraming lalawigan.
Pinaniniwalaang itim na kapangyarihan naman ang agimat na iniingatan ng mga mangkukulam o mambabarang dahil sa masama nilang intensiyon na makapanakit ng kapwa ngunit may mga nagpapatotoo na may mabubuti rin sa kanilang hanay na handa ring labanan ang pananakit ng kapwa nila mangkukulam at mambabarang.
Si Macario Sakay, isang Pilipinong heneral na naging bahagi ng 1896 revolution ay naniniwala na sa bisa ng agimat ay napagtagumpayan nila ang pakikipaglaban sa Spanish Empire, kasama ang mga guerilla na kanyang pinangunahan.
Marami pang bayani at itinuturing nating bayani sa kasaysayan ang nagpapatunay na dahil sa taglay nilang agimat ay hindi sila nakaramdam ng takot at naging matagumpay sila sa pagtatanggol sa ating inang bayan.
Kaya ang agimat ay kaakibat na ng pagiging Pilipino na kailanman ay hindi na natin mabubura sa ating kasaysayan at bahagi na ng ating kultura na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan ng marami nating kababayan.
Bilang Pilipino ay naniniwala tayo na ang tunay na agimat ay nasa dugong nananalaytay sa ating mga ugat, nasa puso at isipan, diwa at damdaming makabayan na handang magbuwis ng buhay para sa ating mga kababayan at dahil Pilipino tayo, may agimat tayo.
Pilipino Ako, May AGIMAT ako!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments