top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Matatag ang Pinoy, maraming bagyo man ang dumating!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 02, 2020



Maraming pagkakataong sinubok ang katatagan ng Pinoy sa iba’t ibang klase ng trahedya ngunit sa huli ay palaging nananaig ang ating husay, galing at tibay kung paano natin harapin ang anumang klase ng kalamidad.

Tulad na lamang nitong nagdaang linggo nang walang habas na nanalasa ang Bagyong Quinta at isa sa mga grabeng naapektuhan ay itong Region 5 na maraming bayan ang nasira ang mga ari-arian at pananim.

Hanggang sa kasalukuyan nga ay hindi pa naibabalik ang supply ng kuryente sa maraming lugar matapos magbagsakan ang mga poste dahil sa lakas ng hagupit ng naturang bagyo.

Marami ang nalungkot partikular ang hindi nagawang mag-ani ng palay dahil sa sinalanta na ang kanilang palayan ngunit makaraan lamang ang ilang araw ay makikitang nakangiti na silang muli at nagsisimula na namang maglinis ng kanilang bukirin.

Masakit man na siyam na buhay ang nawala sa paghagupit ni Quinta, milyun-milyong halaga ng kabuhayan ang nawasak, bukod pa sa maraming kababayan ang nasugatan at hindi pa matagpuan hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling positibo pa rin ang marami sa ating kababayan. Ngayon heto na naman ang bagyong kasalukuyang nananalasa sa ating bansa—ang Bagyong Rolly na super typhoon, kung hindi man ito ang pinakamalakas sa kasaysayan ay maituturing ito sa isa sa pinakamalakas dahil sa dami nang nawasak.

Katunayan noong nakaraang Sabado ng gabi, bagama’t kinakabahan ang marami pero buong tapang silang nagsama-sama sa iba’t ibang evacuation center na itinalaga ng mga lokal na pamahalaan habang hinihintay ang pagpasok ng bagyong Rolly.

Hanggang sa manalasa na ito kahapon at napakarami nang sinalanta na pinuntirya ang halos buong Luzon at mga karatig-bayan na bukod sa naranasang pagbayo ng hangin ay napakarami pa nang binaha.

Sa ngayon ay hindi pa nakukuwenta ang kabuuang pinsala sa mga lalawigang hinagupit ni Rolly maliban sa maraming pagbaha sa iba’t ibang lugar ngunit makikita ninyong nakangiti pa rin ang marami sa mga napinsala ng bagyo.

Kahit sa mga telebisyon habang nasa mismong pinangyarihan ang reporter at kinakapanayam ang isang nagdadalamhati habang nakalubog sa baha ay makikitang marami sa ating mga kababayan ang hindi alintana ang nangyari dahil nakangiti pa at kumakaway kapag nadadaanan ng camera.


Ganyan ang ating mga kababayan, ginagawang magaan ang mga mabibigat na sitwasyon at ipinagkakatiwala ang lahat sa Maykapal, na isang katangian ng isang tunay na Pilipino—ang pagiging madasalin.

Ngayong nasa gitna pa rin tayo ng trahedyang ito ay wala pa ring pinakamabuting gawin kung hindi ang ipagpatuloy ang pagdarasal, upang bukas—sa muling pagsikat ng araw ay may panibagong pag-asang naghihintay sa atin.

Sa ngayon ay sabik na sabik na tayo sa inaasam-asam nating bakuna para sa COVID-19 at kitang-kita ang tatag ng marami sa ating mga kababayan kung paano labanan ang pandemyang ito.

Maraming nawalan ng hanapbuhay ngunit marami rin ang bumangon at ipinakita ang diskarte kung paano mabuhay nang hindi gumagawa ng masama at nanlalamang sa kapwa.

Alam nating marami pa sa kasalukuyan ang hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan at kahit nakikita ko ang mga ngiti sa inyong mga labi ay ramdam ko ang kinikimkim ninyong pighati dahil hindi biro ang manatili sa mga evacuation center.

Panatilihin n’yo lang ang umiiral na health protocol saan man kayo naroon upang hindi na lumala pa ang kinakaharap nating problema hinggil sa pandemyang ito, upang sabay-sabay tayong salubungin ang Pasko.

Hindi man magarbo o tulad ng dati ang ating pagdiriwang, ang manatili lamang tayong ligtas at buhay sa araw ng Pasko ay isang napakagandang regalo na!

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page