top of page
Search
BULGAR

Matapos ang outbreak sa Zamboanga City.. 4 rehiyon, tumaas ang dengue cases — DOH

ni Lolet Abania | April 12, 2022



Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ngayong Martes na nakitaan nila ng pagtataas ng dengue cases sa Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Western Visayas, at Davao Region matapos ang deklarasyon ng isang dengue outbreak sa Zamboanga City.


Sa isang media briefing, ipinaliwanag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sa kabila na pagtaas ng dengue cases kamakailan sa bansa, ang lingguhang nai-report na kaso nito sa kabuuang ngayong taon aniya ay “still significantly lower” kumpara sa mga kaso na nai-record noong 2021.


“Sa ngayon, kapag tiningnan natin ang breakdown among different regions, doon natin nakikita ‘yung pagtaas. Aside from Zamboanga or Region 9, meron din tayong nakikitang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa Region 2, sa Region 6, at saka Region 11,” sabi ni Vergeire.


Ipinunto rin ng opisyal na ang mga kaso lamang sa Zamboanga City ang nag-exceed sa naitalang epidemic nito, kung kaya ideklara ang isang dengue outbreak sa lugar.


Ayon sa local na gobyerno, ang mga kaso ng dengue sa Zamboanga City ay umabot na sa 893, kabilang na 11 nasawi, mula Enero 1 hanggang Abril 2. Anila, 85 dengue cases ang nai-record sa morbidity sa week 13, kung saan 963% mas mataas sa parehong panahon noong 2021.


“The most probable cause for this rise in cases would be nag-uulan na po. So, kailangan lang talaga ng masusing linisin ang mga backyard natin, ang ating mga tahanan, ang ating mga pwesto sa komunidad, public spaces para mawala ang pinagbabahayan ng Aedes aegypti o ‘yung lamok na nakakapag-cause ng dengue,” saad ni Vergeire.


Nitong Lunes, ang DOH ay nakipag-ugnayan na sa regional health at government offices sa Zamboanga City habang nagtakda na rin ng mga preventive measures upang labanan ang naturang sakit.


0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page