55 gasolinahan, inunahan ang oil price hike, lagot
- BULGAR

- 1 hour ago
- 1 min read
ni Mai Ancheta @News | March 10, 2026

Photo: File
Inisyuhan ng Department of Energy (DOE) ng show-cause order ang 55 gas stations sa buong bansa dahil sa umano'y pagsasamantala sa nakaambang malakihang pagtaas ng presyo ng langis sa loob ng linggong ito dulot ng epekto ng krisis sa Middle East.
Nakatanggap ang DOE ng mga ulat ng umano'y pang-iipit ng supply habang ang iba ay nagtaas agad ng presyo, karamihan dito ay mula sa Luzon at ilan sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na hindi tamang maghintay muna nang pagtaas ng presyo bago magbenta dahil sapat ang supply ng langis na aabot sa walong linggo.
Malinaw aniya na paglabag ito sa direktiba ng DOE at may katapat na parusa kapag napatunayang inipit nila ang supply o kaya naman ay agad nagtaas gayong wala pang abiso para sa oil price increase.
Kabilang sa mga ininspeksiyon ng mga tauhan ng DOE ay mga gas station sa Pasig City at Fairview sa Quezon City.
Pinagpaliwanag ang mga ito sa loob ng 24 oras dahil sa maagang price increase ng kanilang produkto mula sa P51.98 per liter ng diesel ay ginawang P79.30 per liter.
Isa pang gas station sa Fairview, Quezon City ang nagtaas umano agad ng presyo ng kanilang diesel mula sa dating presyo na P49.76 ay naging P71 per liter.
Mahaharap ang mga may-ari ng gas station ng kasong administratibo at kriminal at maaari ring makansela ang kanilang lisensya kapag napatunayan ang paglabag ng mga ito.




Comments