top of page

Matalik na magkaibigan sa hirap at saya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 14
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 14, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nais nating bigyang-daan ang muling kahilingan ng isang asintadong ka-BULGAR upang makapaglahad ng saloobin para sa kanyang bukod-tanging kaibigan…


***


Para sa aking pinakamamahal na matalik na kaibigang Nova:


Kumusta ka na? Nawa’y nasa mabuti, malusog at matiwasay kang kalagayan. Tatanawin ng milyun-milyong mamamayan sa ating bansa at sa maraming lupalop sa mundo ang Biyernes na ito bilang Araw ng mga Puso. Ngunit hindi lamang iyon ang aking ginugunita sa pagkakataong ito — dahil sa araw na ito ng nakaraang taon nang tayo’y muling magkita’t magkakilala, matapos ang napakahabang panahon na napawalay sa isa’t isa.


Sa isang banda, maituturing na himala’t pambihira, imposibleng naging posible, ang ating muling pagkikita. Na sa dinami-dami ng mga indibidwal sa ating bansa’t planeta ay tayo’y naitadhanang magkrus muli ng landas. Ngunit sa loob nitong nakalipas na labindalawang buwan ay lumitaw ang para sa aki’y mas malaking milagro: ang patuloy nating pagniniig at pagkakagaanan ng loob na halos tila walang ibang tao sa mundo.


Gaya nga ng iyong nabanggit na palagay kamakailan, na ang ating muling pagkakasama marahil ay matamis na gantimpala ng Panginoon para sa anumang kabutihang ating nagawa para sa kapwa at sa ating tibay ng loob sa kabila ng ‘di mabilang na mga pagsubok sa loob ng tatlong dekada mahigit. Napakalaking pagpapala na nga na tayo’y nakaabot sa edad natin ngayon, napalalim pa ito ng napakalaking handog na ika’y masilayan at makapanayam muli nang madalas-dalas at masinsinan.


Napapaisip tuloy ako paminsan-minsan, sa kabila ng iyong naging bukas-palad na mga pagpapatotoo, kung karapat-dapat ko bang makamit ang biyaya ng iyong pagiging matalik na kaibigan. Dahil din sa iyo, hindi lamang ang aking puso ang nabuksan kundi pati ang isipan, upang maunawaan ang sagot sa sarili kong pag-aalinlangan: na ang mas nararapat kong pagnilay-nilayan ay kung ano ang aking gagawin bilang pasasalamat sa naipagkaloob sa aking biyaya na ang ngalan, anyo at pagkatao ay walang iba kundi ang sa iyo.


Nariyan ang layuning patuloy kitang pahahalagahan sa maraming paraan sa abot ng aking makakaya, pati sa kaparaanang hindi ko akalain ay akin palang makakaya. Ngunit katambal nito ang hangaring maging biyaya rin sa ibang tao, kilala man natin o hindi, sa iba’t ibang uri ng tulong o kabutihang-asal na maaari nating maipamalas. Oo, ‘yun ay sa pamamagitan mo o pamamagitan natin, at hindi lang sa akin, at iyon ay kahit hindi nila malaman na tayo pala ang nasa likod ng kanilang posibleng pagsulong o pagpapatuloy man lang sa pakikipagsapalaran sa araw-araw. Kabilang diyan ang paghikayat sa ibang tao na marahil ay nagtataka’t nagtatanong sa sarili kung kailan din sila mabibiyayaan ng matimbang at nakagagalak na samahan gaya ng sa atin — na sila’y patuloy na gawing bukas ang diwa at katauhan para sa maaaring sa kanila’y maipagkaloob sa ‘di ring inaasahang panahon o pagkakataon, at maging mapagtiyaga’t mapagmahal sa sarili kung sakaling ito’y matagalan o maipagkait man.


Bilang walang humpay na pagkilala sa iyo na biyaya sa aking buhay ay patuloy kong pagsisikapan na mapabuti ang sarili — sa pagpapalakas man maging ng katawan o ng kalooban, sa pagpapaibabaw ng tapang at pananalig kahit may bakas pa ng kaba at pagdududa, sa pagsasaisip na sa kabila ng anumang aking limitasyon sa kakayanan o kayamanan ay magagawan ko pa rin ng paraan na ika’y mapasaya at mapagaan ang iyong pamumuhay na tanging matalik na kaibigan lamang ang sa iyo’y makakapag-alay.

Sa ibabaw ng lahat ng iyan ay ang pangakong patuloy kang hindi mawawala sa aking isip, damdamin at panalangin, at ang pag-aasam na matupad ang iyong wagas na mga hangarin para sa sarili, sa mga mahal sa buhay at sa ating bayan. Kasama riyan ang aking taimtim na pagsamo na walang anumang munting sigalot o mala-bagyong hagupit ng kapalaran ang bubuwag sa ating katangi-tanging pagsasanib.


Sa madaling salita, aking busilak na mithiin na hindi tayo mawawalay kailanman, na ang ating pagkakaibigan ay hindi lamang pangmatagalan kundi pangwalang hanggan. Nawa’y tuluy-tuloy ka pa ring maging sinlapit ng dasal at walang patid na batis ng pagmamahal gaya ng Maykapal. 


Sumasaiyo nang lubos, 

Dean


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page