top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms

Matagumpay ang makasaysayang lagdaan ng kasunduan ng KWF at GUMIL FILIPINAS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 1, 2021
  • 2 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | December 01, 2021



Hello, Bulgarians! Matagumpay na naisagawa ang makasaysayang lagdaan ng Memorandum ng Kasunduan (MOA) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas (GUMIL Filipinas) na dinaluhan ni Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo, KWF, Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Fultaym Komisyoner para sa Wikang Ilokano, Remy Albano, Pangulo, Gumil Filipinas (GF) at Bise Gobernador ng Lalawigan ng Apayao, at Neyo E. Valez, GUMIL Filipinas (GF) Secretary General sa Bulwagang Balmaseda, Komisyon sa Wikang Filipino, 26 Nobyembre 2021.


Binanggit ni Tagapangulong Casanova na ang kasunduan ay hakbang ng KWF upang isakatuparan ang mandato ng ahensiya na paunlarin at payabungin ang wikang Filipino kasabay ang pagpapayabong ng mga katutubong wika sa bansa. Naibahagi rin niya na ang wikang Ilokano ay may bahagi sa kanyang puso dahil ang kanyang ina ay nagmula sa Urdaneta, Pangasinan at ginamit nila ang wikang Ilokano sa kanilang tahanan.


Binigyang-diin ni Komisyoner Casanova na ang kasunduan ay dokumento na magsisilbing patunay na pinahahalagahan ng KWF ang mga katutubong wika kabilang ang wikang Ilokano.


Kinilala ni Komisyoner Mendillo ang kahalagahan ng kasunduan dahil ito ay nagpapakita ng pagkakaisa ng KWF at Gumil Filipinas (GF) ng kanilang adhika na mapataas ang antas wikang Ilokano. Dagdag pa nito, kinikilala ng KWF ang GUMIL Filipinas (GF) bilang malaking institusyon at matibay na haligi upang mabantayan at mapaunlad ang wikang Ilokano.


Naniniwala rin siya sa galing at talino ng mga namumuno ng institusyon at sa kanilang pagtuturo ng tamang Ilokano. Dagdag pa ni Dr.Mendillo, kinikilala ng KWF ang mga pagsisikap ng GUMIL Filipinas sa kanilang patuloy na ginagawang pag-aaral ng wikang Ilokano.


Nagpasalamat naman ang pangulo ng GUMIL Filipinas na si Bise-Gobernardor Remy N. Albano mainit na pagtanggap sa KWF at sa pakikiisa ng ahensiya kahalagahan ng wikang Ilokano at umaasa silang magiging matagumpay ang kasunduan ng dalawang panig.


Nagpasalamat din siya kay Tagapangulong Casanova dahil sa pagkakataong makatrabaho ng GUMIL Filipinas ang KWF sa mga usapin hinggil sa wikang Ilokano.


Ang masigasig na pakikipag-ugnayan ni Komisyoner Mendillo, Jr. ang naging daan upang maisakatuparan ang kasunduan at magkaroon ng mga proyektong pangwika ang KWF at GUMIL Filipinas sa mga darating na panahon kabilang ang paggawa ng diksyunaryong Ilokano para sa 2022.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page