top of page

Masayang-malungkot ako sa kasal ng anak ko bukas

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 10, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 10, 2021



Sa tuwing magsusulat ako ng aking artikulo para sa column natin ay katabi ko ang isang tasang kape na siyang pumupukaw sa aking diwa para makapag-isip kung ano ang aking isusulat at kung paano ito aangguluhan para masiyahan naman ang mga sumusubaybay sa atin.


Nitong pinakahuling humarap ako sa laptop ay gumawa ako ng artikulo na alam kong makapagbibigay-impormasyon para sa karagdagang kaalaman ng ilan sa ating mga kababayan, ngunit hindi ko ito isinumite sa BULGAR dahil inaagaw ang atensiyon ko ng nakatakdang kasal ng aking anak bukas.


Nagdesisyon akong isantabi muna ang aking isinulat dahil gusto kong gumawa ng artikulo para sa anak kong si Victoria Gianna na ikakasal sa Silang Cavite na dapat ay isang malaking pagtitipon, ngunit dahil sa kasalukuyang sitwasyon ay mas pinili naming maging simple basta kumpleto lamang ang aming buong pamilya para sa panibagong yugto ng aming buhay.


Pero alam n’yo ba na kung dati ay halos wala pang ilang sandali kapag humarap ako sa laptop para magsulat ay nakakapag-isip ako agad ng magandang isusulat pero nitong huli ay alam ko nang tungkol sa anak ko ang aking isusulat pero hindi ako makapagsimula.


Sa unang pagkakataon ay lumamig ang aking kape at nasundan ng dalawa pang tasa ng kape na pareho ring lumamig pero hindi ko talaga masimulan ang isa sa pinakamahalagang paksa sa buhay ko — ang kasal ng pinakamamahal kong anak.


Titig na titig ako sa laptop, pinipigil kong maging emosyunal, ngunit biglang kumawala ang aking nararamdaman nang bigla akong lapitan ng aking maybahay na si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla na noon ay naisipang bumangon dahil napansin niya ang aking sitwasyon.


“Ano Papa, kanina ka pa nakatitig d’yan, si Gianna na naman ano?” Ito ang mga katagang

bumasag sa katahimikang aking nararamdaman at bigla akong nabuhayan nang yakapin ako mula sa likod ng aking maybahay at sinabi nitong, “Ganyan talaga ang buhay, nasa edad na ang baby mo”.


Daig ko pa ang naalimpungatan mula sa pagkakahimbing at sa magaang na dampi ng labi ng aking maybahay sa aking pisngi ay nagsimula nang tumipa ang aking mga daliri at pakiramdam ko ay punung-puno ng pagmamahal ang isinusulat kong ito.


Ikakasal na kasi ang anak kong si Gianna sa fiancé nitong si Jed Patricio ngayong Nobyembre 11, 2021, alam ko namang ikakasal pero parang biglang bumilis ang panahon na ayaw ko pa sanang dumating ang araw na iyon dahil mawawalay na sa piling ko ang napakalambing kong anak.


Noong nakaraang Disyembre 2020 ay ginanap ang marriage proposal ni Jed kay Gianna at kitang-kita ko ang kaligayahan ng aking anak, lalo na nang i-post niya mismo sa kanyang Instagram account ang larawang nakaluhod si Jed at isinusuot ang engagement ring.


Tapos may caption pa na “BEST CHRISTMAS GIFT EVER. Words cannot express how happy I am! I’m thrilled for what God has prepared for us baby. I will love you forever, through thick and thin.”


Gusto ko mang awatin sana, pero biglang nanumbalik sa akin ang panahon na ako naman ang ikinakasal kung saan ay wala talagang makaawat sa amin dahil sa sobrang pag-ibig na aming nararamdaman ni Mayor Lani.


Sinubukan na ni Gianna na pasukin ang showbiz at ini-launch nga siya sa GMA 7 bilang isa sa female star noong 2012 sa youth oriented show na “Teen Gen” sa direksiyon ni Mark Reyes, ngunit inagaw ito ng pag-aaral.


Lahat naman ng mga anak ko ay malapit sa akin, pero sabi nga nila paborito ko raw si Gianna kasi ipinanganak ito noong kumandidato at nanalo akong bise-gobernador ng Cavite kaya nga dinugtungan ko ng Victoria ang pangalan niya.


Lumaking sobrang malambing si Gianna at aminado naman itong Papa’s girl kaya kahit napag-usapan na ito ng buong pamilya ay parang hindi talaga pumapasok sa sistema ko na ang dating baby na karga-karga ko ay magiging housewife na.


Sa totoo lang, sobrang lungkot ang aking nararamdaman dahil lilipat na ng tirahan ‘yung batang kahit dalaga na ay lumalambitin pa rin sa akin para yumakap at humalik pero sa likod ng lahat ng ito ay masaya naman ako dahil sa natagpuan na ng aking anak ang lalaking makakasama niya habambuhay.


Lungkot lang naman ng isang ama ang aking pinagdaraanan, ngunit kami ng aking maybahay at ng buo naming pamilya ay sobra-sobra ang kasiyahang nararamdaman para kay Gianna na hindi na napapawi ang ngiti dahil sa nararamdamang saya.


Hiling ko lang sa kanyang magiging mister na si Jed, na magiging anak na rin namin na sana ay mahalin niya si Gianna kung paano namin siya minahal mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan.


Sa aking anak na si Gianna, best wishes and congratulations, tandaan mo lang na mahal na mahal kita, ni Mama at ng mga kapatid mo, kaming lahat. We love you!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

3 Comments


sweetjane_501
Nov 11, 2021

Wishing your beautiful daughter a happy happy wedding& wish all the best in life to both of them💐💐💐ganyan talaga ang mga anak pag lumagay na pag papamilya..the parents feel so sad&happy…more power pepeng agimat😜😛😝🤪I’m one of your follower ng father mo ..Ramon Revilla..sa mga films ng tatay mo👍😜😝😛🤪nardong putik😝😛😜🤪I love watching your father movies👍❤️Ok ..God Bless to you&your family👍🙏❤️From😝😛😘Janet sherer🙏❤️👍🇺🇸Virginia USA

Like

mandylousevillano123
Nov 10, 2021

Tama po Senator. Masakit pag may iba na silang mundo na nagpapasaya sa kanila at hindi lang tayo na parents nila ang kaligayahan at dating nag iisang mundo nila kagaya nung mga bata pa sila...Pero as a loving and selfless parents susuportahan natin sila sa mga bagay na nagpapasaya sa kanila kahit hindi na po tayo parte nun...

Like

tleovelynmortel
Nov 10, 2021

Nakaka iyak nman po.gnun tlga ung pagibig ng magulang sa knyang anak..❤️

Best Wishes and Congratulations..npaka blessed po ng mga anak po NYU at my supportive parents po cla..kht my knya knya ng pamllya..God bless po Send.Bong and with your Family's..💕🙏🥰

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page