top of page
Pokwang.jpg

Masaya at matagumpay ang pamimigay ng libreng gadgets!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 17, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 17, 2021



Walang pagsidlan ang ating tuwa dahil sa malaking tagumpay na naman ng isinagawa nating Kap’s Amazing Valentine’s Giveaway na tinutukan ng marami nating kababayan.


Muli ay hindi tayo binigo ng ating mga tagasubaybay kaya bilang pagtugon sa kanilang pananabik ay hindi rin natin sila binigo sa kanilang inaasahan at muli ay napakarami na naman ng ating napasaya.


Ang isinagawa nating gadget giveaway ay hindi na basta ordinaryong pamamahagi na lamang ng iba’t ibang klase ng gadgets dahil may mga palaro tayong inihanda para sa mga nanalo ng cash at daan-daan ang nanalo ng tig-iisang libong piso na walang ginawa kung hindi ang tumutok lamang.


Ang kaibahan lamang nitong nagdaan nating gadget giveaway ay mas pinadali ang mga tanong sa mga kababayan nating sumali sa pamamagitan nang pagtawag sa kasagsagan ng ating live program na napanood sa aking facebook page na https://facebook.com/bongrevillajrph.


Ginawa lamang ang mga question and answer portion upang maging masaya ang pamamahagi ng gadget giveaway at maipamahagi ng mas malawak ang inihandang mga premyo tulad ng tablet, phablet at laptop.


Prayoridad naman talaga ang pamamahagi ng gadgets dahil sa dami ng mga mag-aaral at mga teacher na kasalukuyang nagsasagawa ng klase online na walang mga sariling gadget at malaki pa rin ang porsiyento ng mga naghihiram.


Ngunit dahil napakarami ng mga nakasubaybay na marami ring problema sa pananalapi dahil sa pinagdadaanang pandemya ay naisip nating mamahagi na rin ng cash na idinaan natin sa mga palaro para walang magtampo.


Itong Kap’s Amazing Valentine’s Giveaway na isinagawa noong nakaraang Pebrero 13 at 14 ay nagsimula nang alas-6:00 ng gabi na tumagal ng halos apat na oras dahil sa hindi bumibitaw ang ating mga kababayan.


Sa unang araw ng pagtatanghal ay umabot ng 1.2 milyon ang total engagement, ang share naman ay nasa 105.3 na libo, ang comments ay umabot ng 774.4 na libo samantalang nasa 349 na libo ang reactions.


Sa ikalawang araw na mismong araw ng mga puso ay umabot naman sa 1.1 milyon ang total engagement, nasa 103.8 na libo naman ang shares at umabot sa 689.2 na libo ang comments samantalang nasa 302.1 na libo naman ang reactions.


Nakakataba ng puso ang naging pagtugon ng ating mga kababayan dahil ito ang mga panahon na sobrang busy ng marami sa ating mga kababayan dahil araw ng mga puso ngunit mas pinili pa rin nilang sumubaybay sa isinasagawa nating programa online.


Malaki rin ang naging partisipasyon ng aking maybahay na si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla na siyang tumayong co-host natin sa programa, nakilahok din si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla, si Benjie Paras at Jimmy Santos naman ang nagbigay ng mga nakakatuwang sitwasyon na lalong nakapagpasaya sa online show na ito.


Sa kabuuan ay muli tayong nakapamahagi ng maraming papremyo kabilang na ang iba’t ibang klase ng gadgets, cash at kabuhayan package na labis na nakapagpaligaya sa pagdiriwang ng araw ng mga puso ng marami sa ating mga kababayan.


Simula nang simulan natin ang gadget giveway na ito noong nakaraang Septyembre bilang pagdiriwang lamang ng ating kaarawan ay nagtuluy-tuloy na ito dahil sa kahilingan ng marami sa ating mga kababayan.


Marami na tayong mga kababayang napasaya dahil sa tuwing magkakaroon tayo ng gadget giveaway ay nadadagdagan ang ating natutulungan at sana lang ay makatulong sa pagbubukas ng kahit maliit na hanapbuhay ang nabigyan ng kabuhayan package.


At tulad ng dati ay marami pa rin ang humihiling na huwag na nating itigil ang nasimulan nating programang ito online kaya hindi man ako makapagbigay ng tamang petsa kung kailan ito mauulit ay umasa kayong hindi magtatagal at muli tayong magsasagawa ng gadget giveaway.


Hangga’t hindi kayo nagsasawa sa pagsubaybay ay hindi rin ako magsasawang mamahagi para sa ikaliligaya ng marami sa ating mga kababayan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page