Search
  • BULGAR

Mas maraming trabaho at oportunidad, ngayon na!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 15, 2021



Ang nakaraang taon ay puno ng mga pagsubok. Ngunit tulad noon at lalo na ngayong bagong taon, hindi tayo papatalo sa mga ito kung kaya’t may tatlo tayong hangarin na nais makamit.


Una, ang masugpo ang kagutuman. Marami ang nakararanas ng gutom dahil nawalan ng kabuhayan at apektado rin ang mga negosyo. Gawin natin ang lahat para suportahan sila at hindi na madagdagan ang hirap na kanilang pinapasan.


Pangalawa, dapat mabigyan ng sapat, ligtas, at epektibong bakuna ang bawat Pilipino. Unahin ang mahihirap, vulnerable sectors at frontliners. Importanteng malaman ng publiko ang mga hakbang na ginawa kaugnay ng National COVID-19 Vaccine Roadmap upang mawala ang takot ng mga Pilipino na magpabakuna.


Pangatlo, ang pagkakaroon ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa kabuhayan ay importante para makabangon ang bawat Pilipino. Kaya patuloy ang ating ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang buhayin muli ang mga negosyo, makapagbigay ng sapat na trabaho, at umusbong ang ekonomiya ng bansa.


Ipaglalaban natin ang tatlong importanteng mga adhikain na ito sa loob at labas ng Senado — ang pagsugpo sa gutom; ang pagkakaroon ng sapat, ligtas, at epektibong bakuna; at ang pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan ng bawat Pilipino.


Bukod dito, patuloy din tayong tutulong sa mga komunidad na apektado ng krisis para masolusyunan ang kanilang problema, pakinggan ang kanilang hinaing at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati.


Noong January 13, namahagi tayo ng pagkain, food packs, masks, face shields, vitamins at gamot sa 54 na biktima ng Bagyong Ulysses sa Ilagan City, at 41 beneficiaries naman sa Sta. Maria, Isabela. Noong nakaraan ay matatandaang nagbigay din tayo ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyo sa Baggao, Enrile, at Amulung sa Cagayan province, pati na rin sa Kabugao, Apayao.


Noong Miyerkules ay namahagi tayo ng tulong sa higit 154 pamilyang nawalan ng bahay dahil natupok ng sunog sa Barangay Tetuan sa Zamboanga City.


Kahapon, January 14, namahagi tayo ng tulong sa 220 na pastor sa Cagayan de Oro City. Sa Guimaras, namigay naman tayo ng ayuda sa mga kababayan nating apektado dahil sa pansamantalang pagsara ng wooden boat operations ng isla. Binubuo ito ng 320 katao mula sa Jordan, at 337 naman mula sa Buenavista sa parehong probinsya.


Hindi rin natin pinababayaan ang mga kababayan natin sa Dingalan, Aurora kung saan tinulungan natin ang 400 kataong hirap ang kabuhayan dahil sa pandemya. Nakatanggap din ng tulong ang mahigit isang libong tricycle drivers sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kahapon.


At dahil patuloy na nananalasa ang bagyo at baha sa iba’t ibang parte ng bansa, nag-abot tayo ng tulong sa mga komunidad na apektado sa San Agustin, Lianga at Marihatag sa probinsya ng Surigao del Sur upang muli silang makabangon.


Sa usapin ng COVID-19 at ang pagpasok ng bagong variant nito sa ating bansa, lessons learned na tayo. Importanteng huwag balewalain ang mga patakaran na dapat sundin. Back to basics dahil ang simpleng mga patakaran ay makapagliligtas ng buhay natin at ng ating kapwa.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, patuloy ang panawagan nating sundin ang lahat ang mga itinakdang health and safety protocols — tulad ng pagsuot ng mask at face shield, madalas na paghugas ng mga kamay, pag-obserba ng social distancing, pag-iwas na magkumpol-kumpol, at pananatili sa loob ng bahay kung hindi kinakailangan lumabas.


Paigtingin ang malawakang contact tracing at istriktong pagpapatupad ng quarantine protocols para hindi na ito kumalat pa. Huwag magkumpiyansa. Buhay ng bawat Pilipino ang unahin natin at huwag ang ating sarili lamang.


Patuloy lang tayong sumunod sa mga awtoridad at magmalasakit sa kapwa.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.