Mas maraming oportunidad sa mga mag-aaral sa ilalim ng Adopt-A-School Bill
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 16, 2026

Sa gitna ng pagbubukas ng School Year 2026–2027, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang mas aktibong pakikilahok ng pribadong sektor sa pampublikong edukasyon, isang mahalagang hakbang upang matugunan natin ang nagpapatuloy na mga hamon sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Maliban sa ating mga komunidad, ang pribadong sektor ang isa sa mga pinakamahalaga nating katuwang pagdating sa edukasyon. Naniniwala ang inyong lingkod na kung magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor, mas mabilis nating maibibigay sa bawat bata ang oportunidad na makatanggap ng dekalidad na edukasyon.
Nakasaad ang ating mungkahi sa Adopt-A-School Act of 2025 (Senate Bill No. 54), isang panukalang batas na layong amyendahan ang Adopt-A-School Act of 1998 (Republic Act No. 8525). Sa ilalim ng ating panukalang batas, ang mga pribadong organisasyon o indibidwal na may mabuting katayuan, dayuhan man o lokal, ay maaaring tumulong sa mga paaralang naghahatid ng early childhood education, basic education, technical-vocational education and training (TVET), higher education, at Alternative Learning System.
Layon ng panukalang batas na tulungan ang mga local government units (LGU) na nakararanas ng matinding kakulangan, hindi sapat na budget, iyong may maraming mahihirap ngunit mga high performing na mga mag-aaral, lalung-lalo na ang mga 4th at 5th class LGUs. Maaaring tumulong ang pribadong sektor sa pagsasanay ng mga guro, pagtatayo ng mga pasilidad sa paaralan, pag-upgrade ng instructional materials, at iba pa.
Kabilang sa mga insentibo para sa mga indibidwal at organisasyon na lalahok sa programa ang karagdagang 50% na deduction o bawas sa mga nagastos, karagdagang 20% na bawas o deduction para sa pagkuha ng mga senior high school graduates, ‘naming rights’, at mga exemption sa import duties at tax sa mga donasyon.
Sa pamamagitan ng mga insentibong ito, mahihikayat natin ang pribadong sektor na maging mas aktibong katuwang ng ating mga pampublikong paaralan sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon, kabilang ang mga oportunidad sa ating mga mag-aaral, lalo na ang ating mga senior high school graduates.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments