Mas maraming nabakunahan, mas tumataas ang kumpiyansa ng mga Pinoy
- BULGAR
- Jul 14, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 14, 2021
Kung dati-rati ay malaking problema ng pamahalaan kung paano kukumbinsehin ang ilan sa ating mga kababayan na magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19 ay tila unti-unti nang nagliliwanag ang kaisipan ng marami hinggil sa mabuting dulot nito sa ating kalusugan.
Nitong nagdaang Hulyo 12 lamang ay inilabas ng Pulse Asia Research ang resulta ng kanilang June 2021 Ulat ng Bayan Survey hinggil sa pagpapabakuna sa bansa, kung saan nakitang maraming Pilipino pa rin ang hindi kampanteng magpabakuna.
Ito ay sa kabila ng mas dinaragsa na sa kasalukuyan ng marami sa ating mga kababayan ang mga vaccination center at tila nagkukumahog na mabakunahan upang maging bahagi ng minimithi nating herd immunity bago dumating ang Pasko.
Ayon sa Pulse Asia ay nasa 96 porsiyento ng ating populasyon ang naniniwala na posible silang mahawa at ang kanilang kaanak ng COVID-19 at 69 porsiyento sa mga ito na nagmula sa iba’t ibang antas ng buhay ang matindi ang pangamba sa naturang posibilidad.
Lumalabas na 1 porsiyento lamang ang walang pakialam hinggil sa pandemyang ito at nasa 2 porsiyento naman ang hindi makapagdesisyon kung ano ang tamang pagtrato sa patuloy pa ring pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nasa 88 porsiyento naman ng ating mga kababayan ang nagbigay-pahayag na nagsimula na umano ang pagbabakuna sa kani-kanilang lugar na ang ibig sabihin ay may kataasan na rin ang kamalayan ng ating mga kababayan hinggil dito.
Sa katunayan ay nasa 43 porsiyento ng ating mga kababayan ang handa at nakatakda nang magpaturok ng bakuna na higit na mataas noong nakaraang Pebrero na nasa 16 porsiyento lamang.
Ayon sa isinagawang survey ay napakaraming dahilan kaya hanggang sa kasalukuyan ay marami pa rin ang natatakot magpabakuna at nangunguna na ang kawalan nila ng tiwala na ligtas ang itinuturok na bakuna.
Ikalawa sa dahilan ay ang pangambang posibleng hindi epektibo ang itinuturok na bakuna, ikatlo ay ang katuwirang hindi kailangan ng bakuna para labanan ang COVID-19, ikaapat ay baka may bayad at ang ikalima ay baka masyadong mahal ang bayad.
Alam nating ang mga pangambang ito na lumitaw sa isinagawang panayam sa ating mga kababayan ay wala namang katotohanan, ngunit nananatili at patuloy na kumakalat dahil sa higit na mas mabilis ang pagkalat ng maling impormasyon.
Nakita rin sa survey na maraming dahilan para makumbinse ang indibidwal na dating ayaw magpabakuna, ngunit nagbago na ang pananaw at ngayon ay desidido nang magpaturok ng bakuna.
Una ay kung makikita nilang ang kanilang kaanak, kaibigan o iba pang kasama ay naturukan ng bakuna na ligtas at walang anumang masamang nangyari. Ikalawa ay kapag narinig mismo nila sa doktor na ligtas ang bakunang ituturok sa kanila.
Ikatlo ay ang pag-iikot sa mga lugar ng mga tauhan ng pamahalaan o medical professional at isa-isang ipinaliliwanag na ligtas gamitin ang itinuturok na bakuna. Ikaapat ay kapag nakita nilang ang mga kilalang opisyal ng pamahalaan ay nagpaturok mismo ng bakuna.
Ikalima ay kapag kinailangan na ito bilang pangunahing requirements sa pinapasukan o inaaplayang trabaho at ang pinakahuli ay matiyak ng indibidwal na wala silang gagastusin kahit magkano para maturukan ng bakuna.
Malaking bagay ang isinagawang survey na ito ng Pulse Asia para makita natin ang pulso ng ating mga kababayan at naniniwala tayong sa huli ay mananaig din ang tunay na layunin ng pamahalaan kung bakit dapat turukan ng bakuna ang ating mga kababayan.
Sa ngayon ay mahigit na sa 13 milyon ang nabigyan na ng bakuna at katunayan ay pinapurihan tayo ng World Health Organization (WHO) dahil ang Pilipinas umano ay ‘good job’ pagdating sa pagresponde sa COVID-19 pandemic sa kabila ng marami pa rin sa ating mga kababayan ang nag-aalinlangan.
Ayon sa WHO, kung ikukumpara umano sa ibang bansa ang ating response sa COVID-19 base sa income capacity, population size, topographical challenges at bilang ng nasawi ay maituturing na mas maayos ang ating pagtugon sa kabila ng napakalimitado nating kapasidad.
Isa sa napansin ng WHO na maraming bansa ang tuluyan nang isinarado ang kani-kanilang teritoryo upang makaiwas na mapasok ng mga bagong variant ng COVID-19 samantalang ang Pilipinas ay malugod nating pinauuwi ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang higit na nakatataba ng puso ay ang pahayag ng WHO na ang ating bansa ay isa lamang ‘middle-income country’, ngunit hindi inaasahan ng marami na nakakapagbigay tayo ng ‘first-world type of response’ kumpara sa napakaraming bansa na nakapaligid sa atin.
Kaya dapat mas bilisan pa natin ang pagbabakuna dahil mas maraming nabakunahan ay mas maraming makukumbinse na magpabakuna na rin dahil ayaw mawala sa uso!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments