top of page

Mas maraming checkpoint kontra ASF, dapat lang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 26, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | August 26, 2024


Boses by Ryan Sison



Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo ang mga checkpoint ay parte ng pagsisikap ng pulisya upang maiwasan ang pagkalat pa ng ASF dahil ilang lokalidad na ang tinamaan ng sakit.


Aniya, ang papel ng PNP sa kampanya kontra ASF ay ang pagbibigay ng police assistance kaugnay sa pagtatatag ng mga checkpoint sa mga lugar na apektado ng ASF.


Ilang probinsya na rin kasi sa mga pangunahing rehiyon sa ating bansa ang nag-report ng maraming kaso ng ASF.


Nitong Sabado, isang truck driver na may dalang mga baboy mula sa Batangas patungong Caloocan City ang nagtangka umanong takasan ang isang ASF checkpoint sa Mindanao Avenue, Quezon City.


Noong nakaraang linggo naman ay naharang ng mga otoridad ang isang truck na may lulan na 38 baboy sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Quezon City, habang isa pang checkpoint ang pinahinto rin ang isang truck na may kargang 11 pang baboy sa Malanday, Valenzuela City. 


Batay sa pagsusuri, 11 baboy ang nagpositibo sa ASF. 


Dapat lang na maglagay ang mga otoridad ng mas maraming checkpoint para maiwasan na kumalat pa at mapigilan ang sakit sa ating mga alagang baboy.


Wala kasing iniwan iyan noong panahon ng pandemya, na kapag ang isang nagpositibo sa COVID ay nalantad at nagkaroon ng close contact sa ibang indibidwal, siguradong mahahawa na rin ito sa sakit. Kaya maaaring ganoon na rin ang mangyari sa ating mga alagang baboy kapag hindi tayo naging maingat.


Pakiusap lang sa iba nating kababayan na sumunod na lamang tayo sa ipinatutupad na batas. Batid naman nating lahat ang epekto nito sa inyong kabuhayan sakaling tinamaan na ang mga alaga ng sakit na ito, pero sana huwag na tayong makadagdag pa o maging sanhi ng paglala ng problema. Isipin na lang natin na masusugpo rin ang nasabing sakit at magiging malusog uli ang ating mga alagang baboy habang makakabawi rin tayo mula sa pagkalugi. 


Hiling naman natin sa kinauukulan na sana ay alalayan nang husto ang mga kababayang naapektuhan lalo na iyong mga hog raiser. Alalahanin sana lagi na walang ibang aasahan ang mga mamamayan kundi ang tulong at suporta na manggagaling sa inyo.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page