Mas mabigat na pananagutan kapag mataas na opisyal ng gobyerno ang magmamaltrato sa kasambahay
- BULGAR

- Nov 9, 2020
- 2 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 9, 2020
Matindi ang paulit-ulit na pananakit na dinanas ng isang kasambahay sa kamay ng kanyang amo na hindi lang napanood sa telebisyon kung hindi nag-trending pa sa social media at marami sa ating mga kababayan ang nakaramdam ng awa at galit.
Awa dahil sa hindi na lumalaban ang 51-anyos na kasambahay mula sa pagsampal, pagsuntok, pagtadyak, pag-untog, pagsabunot at kung anu-ano pang uri nang pananakit na paulit-ulit nangyari na nakunan ng video at nagkalat sa social media.
Galit na galit naman ang mga nakapanood nating kababayan dahil ang may kagagawan ng pananakit sa kababayan nating kasambahay ay ang ating mismong Philippine Ambassador to Brazil na si Marichu Mauro na ipinatatawag na ng Department of Foreign Affair (DFA).
Si Mauro na ipinadala sa naturang bansa para bigyan ng proteksiyon ang ating mga kababayan na nagtatrabaho doon at alamin kung ligtas ang kanilang kalagayan kabilang na ang mga nagtatrabahong kasambahay na minamaltrato ng kanilang mga amo.
At sa pagkakataong ito ay ang itinalaga pa nating tagapangalaga ang mismong nagmaltrato sa kasambahay na atin ding kababayan na kailangang huwag nating palagpasin upang maipadama naman natin ang ating buong pusong pagmamalasakit.
Kaya agad nating isinumite ang resolusyon na naglalayong magsagawa ng inquiry in aid of legislation upang sa huli ay makasigurong protektado sa pang-aabuso at pagmamaltrato ang mga kasambahay mula sa kanilang mga amo.
Ang iniakda nating resolusyon ay nag-aatas sa Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na magsagawa ng inquiry sa implementasyon ng Republic Act No. 10361 na mas kilala sa Domestic Workers Act o Batas Kasambahay.
Kailangan na muling mabalangkas ang Domestic Workers Act na nagbibigay ng proteksiyon sa mga kasambahay dahil kailangang mabigyan ng mas akma o mas mabigat na pananagutan kung ang may kagagawan nang pagmamaltrato sa kasambahay ay mataas na opisyal ng pamahalaan.
Sa hiling nating inquiry ay mabibigyan ng pagkakataong mahimay ang Batas Kasambahay at makita pa kung paano makatitiyak na maipatutupad ng istrikto ang umiiral na batas.
Ang Domestic Workers Act ay naisabatas noong pang Enero 18, 2013 kung saan tinatayang ang kabuuang bilang pa lamang ng mga kasambahay sa bansa ay nasa 1.9 milyon hanggang 2.5 milyon ngunit kinilala itong landmark legislation dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay kinilala nito ang karapatan at kapakanan ng kasambahay.
Nakapaloob din sa RA 10361 na kailangang pairalin ang karapatan ng mga kasambahay laban sa pang-aabuso, harassment, violence, economic exploitation at matiyak na hindi mapanganib ang kanilang sitwasyon sa paggawa sa kanilang pisikal at mental na kalusugan.
Nakakapanlumo kapag nakakatanggap tayo ng balita na ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay namamaltrato o naging biktima ng karahasan at hindi ito pinababayaan ng pamahalaan.
Lalo pa itong mga domestic helper na bukod sa pagtitiis na hindi nakikita ng matagal na panahon ang kani-kanilang pamilya ay karaniwang nagugulo pa ang buhay may asawa dahil sa kabi-kabilang tukso makapagpasok lamang ng dolyar sa ating bansa.
Napakataas ng respeto natin sa ating mga OFW at hindi tayo papayag na maapi ang ating mga kababayan na tinaguriang buhay na bayani.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments