top of page
RUN WILD - VICE AT MVP, NAGSANIB-PUWERSA PARA MAKA-SURVIVE ANG TV INDUSTRY-IG _praybeytben

Mas maayos na sahod at benepisyo sa PCG personnel

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 14, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Mahalaga ang papel ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang bansang tulad ng Pilipinas. Mahigit 7,600 ang ating mga isla at umaabot sa humigit-kumulang 36,000 kilometro ang ating baybayin. Maraming Pilipino ang umaasa sa dagat para sa kabuhayan, transportasyon, kalakalan at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.


Full support ako sa panukalang Revised Philippine Coast Guard Law o Senate Bill No. 2116, na inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa noong August 11. Bilang co-author ng panukala, nagpapasalamat tayo sa mga kapwa natin mambabatas sa pagbibigay ng prayoridad sa hakbang na ito.


Dahil isang archipelago ang ating bansa, napakalawak ng ating maritime territory. Sa paglipas ng panahon, lumalawak din ang mga tungkulin at hamon na kinakaharap ng ating Coast Guard pagdating sa maritime safety at security, law enforcement, environmental protection at emergency response. Dahil dito, panahon nang palakasin ang umiiral na Republic Act No. 9993 o Philippine Coast Guard Law of 2009.


Kasabay ng pagpapalakas sa kanilang organisasyon, mahalaga ring mabigyan ng nararapat na suporta ang ating mga Coast Guard personnel. Bilang senador, ipaglalaban natin na maitaas ang base pay ng PCG personnel upang maging kapantay ng kanilang counterparts sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).


Bukod sa Revised Philippine Coast Guard Law, patuloy ko ring isinusulong ang hiwalay na panukalang PCG Modernization Law na muli kong inihain bilang Senate Bill No. 682 ngayong 20th Congress. Sa laki ng sakop ng kanilang trabaho, kailangan nila ang sapat na kagamitan at resources para tugunan ang kanilang mga responsibilidad.


Samantala, noong August 6, personal nating binisita ang Barangay Kapitolyo sa Pasig City kasama sina Vice Mayor Dodot Jaworski, Councilor Eric Gonzales, Barangay Captain Alex Torres, at iba pang lokal na opisyal upang dalawin at tulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog. Humigit-kumulang 378 benepisyaryo ang nabigyan ng tulong para sa kanilang agarang pangangailangan.


Pagkatapos nito, dumalo rin tayo sa 7th Charter Day Anniversary ng Cooperative Development Authority (CDA) na ginanap sa Quezon City, kung saan nagbigay tayo ng mensahe sa mga opisyal, empleyado, at miyembro ng cooperative sector. Kasama natin sa okasyon ang mga opisyal sa pangunguna ni CDA Undersecretary Alexander Raquepo at COOP-NATCCO Partylist Representative Felimon Espares.


Nito namang August 12, naimbitahin rin tayo sa Vice Mayors League of the Philippines - Quezon Chapter Legislative Excellence Academy sa Manila City. Masaya akong makasama muli ang mga local officials mula sa probinsya ng Quezon, at talagang hanga ako sa sipag at pagseserbisyo ng mga local officials natin.


Samantala, nitong nakaraang linggo, naghatid din ng karagdagang tulong ang ating Malasakit Team sa mga kababayan nating nangangailangan. Agarang ayuda ang ipinagkaloob sa mga biktima ng sunog sa Caloocan City; Malabon City; Valenzuela City; Puerto Princesa City sa Palawan; Cebu City; Baclayon at Maribojoc, Bohol; Iloilo City; Cagayan de Oro City; at Bislig, Surigao del Sur.


Nabigyan din ng tulong ang mga biktima ng flash flood sa Parang at General Salipada K. Pendatun sa Maguindanao del Sur, gayundin sa Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.


Nagpaabot din ng suporta ang ating Malasakit Team sa mga nagtapos ng technical-vocational scholarship programs sa Santo Tomas, Batangas.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa ating kapwa Pilipino at aalalay sa mga higit na nangangailangan sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page