Mas lalo pang tumindi ang problema sa RFID, anyare?!
- BULGAR

- Dec 14, 2020
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 14, 2020
Sa mga sumusubaybay sa ating panulat ay alam ninyong isa ang inyong lingkod sa kauna-unahang nagbulgar ng hindi magandang serbisyo sa pagkakabit at sa mismong ikinakabit na radio frequency identification (RFID) stickers.
Dahil tayo nga mismo ay biktima ng palpak na RFID at may isang insidente na inabot tayo ng ilang oras sa tollway dahil nga sa hindi agad binabasa ng sensor ang RFID na nagdulot ng napakahabang pila.
Noong sinimulan na noong Disyembre 1, ang 100% cashless toll payment sa mga expressways at toll plazas ay nagsimula na ang galit ng maraming motorista na hindi na talaga kinaya ang sitwasyon.
Ang toll collection providers kasi ay ang Easytrip at ang Autosweep kung saan ang mga motorista ay dito na maglalagak ng kanilang bayad ngunit hindi ito maaaring gamitin sa lahat ng expressway sa bansa.
Ang Easytrip at Autosweep ay maaaring gamitin sa cashless transaction sa pamamagitan ng radio frequency identification (RFID) sticker sa major expressway na kumukonekta mula Metro Manila patungo sa ilang probinsiya.
Ang Easytrip ay nasa ilalim ng pamamahala ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) samantalang ang Autosweep RFID ay pinamamahalaan ng San Miguel Corporation (SMC) na parehong nag-iisyu ng RFID sticker sa ilang installation site sa Metro Manila.
Ang Easytrip ay maaaring gamitin sa North Luzon Expressway (NLEx), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Manila-Cavite Expressway (CAVITEx), C5 Southlink at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Samantalang ang Autosweep ay maaari namang gamitin sa South Luzon Expressway (SLEx), STAR Tollway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), NAIA Expressway (NAIAx) at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX).
Ang inuulan ng reklamo ay itong Easytrip ng MPTC kaya nga nagalit na ang mga taga-Valenzuela dahil sa napakatagal na pala nila itong inirereklamo at posibleng sumunod pa ang ilang bayan na sumasakop sa North Luzon Expresway (NLEX).
Isipin n’yo atras-abante ang mga sasakyan bago makadaan sa tollway dahil nga sa hindi binabasa ng sensor ang RFID na tumatagal ng sampung minuto pataas bawat sasakyan.
May isang namang nagrereklamo na nagkaroon umano siya ng transaksiyon sa Mamplasan Exit samantalang nakaparada sa kanilang bahay sa Valenzuela ang kanyang sasakyan at ilang ulit na itong nangyari.
Tapos tumatawag umano sa service center ng Easytrip Service Corporation ‘yung nagrereklamo pero walang sumasagot at naniniwala tayong hindi lang nag-iisa itong nagrereklamo ng ganitong karanasan.
May reklamo naman ang may-ari ng kotse na kasunod umano niya sa pila ang truck sa tollway pero ang ayaw magbukas ng barrier kasi ‘yung load ng RFID niya ay gumana sa truck kaya nawalan siya ng load.
Ang pinakamalupit ay ang reklamo ng motorista na hindi pa niya nagagamit ang kanyang RFID pero kinain na ang load kaya pagdating niya sa tollway ay kinailangan pa niyang mag-load para makadaan.
Sinabi ng MPTC na mga birth pains daw ito, lalo pa't nagpatung-patong ang magkakaibang dahilan, na kumpirmado naman ayon sa obserbasyon ng maraming motorista.
Meron pa nga, alam nang wala nang load ang kanilang RFID o alam na matagal nang sira ang kanilang sticker, pero pilit pa ring isinaksak sa RFID lane ang kanilang sasakyan na wala namang nagre-reload.
Idagdag pa ang maling pagkakabit ng sticker, ang masyadong pagtutok sa sasakyan sa unahan kaya't hindi nila mabasa ang RFID at ang dagsa ng mga sasakyan ngayong Disyembre na dumaraan.
Dapat lahat ng ito ay ikinukonsidera, magkagayun man ay hindi ito sapat na dahilan para sa perwisyong dulot nito sa mga motorista dahil lang sa kawalan ng maayos na sistema.
Ilan lang ito sa napakaraming reklamo na natatanggap natin at naglipana sa social media dahil hindi naman matawagan ang MPTC kung ang pakay mo ay maghahain lang ng reklamo.
Kaya sa tingin natin ay parang mas lalo pang tumindi ang problema sa RFID dahil naglabasan na ang iba’t ibang reklamo simula nang ipag-utos ng Department of Transportation (DOTr) na pairalin na ang cashless transaction.
Dapat siguro maintindihan ng MPTC ang ibig sabihin ng ‘expressway’ at hanggang hindi nila ito alam ay huwag na muna silang maningil.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments