Mas epektibong pagtuturo, target ng bagong amyenda sa K to 12 Law
- BULGAR

- 9 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 12, 2026

Ratipikado na sa Senado ang bicameral conference committee report ng isinulong nating panukalang batas, kung saan pahihintulutan na ang Department of Education (DepEd) na gumamit ng mga pamamaraang itinuturing nitong pinakamabisa para sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral.
Nitong nakaraang linggo niratipikahan sa Senado ang naturang bicameral conference committee report na nagresolba sa mga pagkakaiba ng House Bill No. 5939 at Senate Bill No. 1899. Inaamyendahan ng ratipikadong panukala ang Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law, kung saan ginawang mandato ang paggamit ng spiral progression approach.
Sa ilalim ng sistemang Spiral Progression, pinag-aaralan ng mga mag-aaral ang mga basic concepts sa maagang edad, binabalikan ang mga konseptong ito, pinalalalim ang pag-unawa, at ginagawang mas komplikado sa iba't ibang grade levels. Ngunit batay sa mga pag-aaral, naging hadlang pa ang ganitong sistema sa mabisang pagtuturo at pag-aaral para sa ating mga guro at mga mag-aaral.
Batay sa Final Report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), napilitan ang mga gurong maging mga generalists sa halip na maging mga subject experts, lalo na sa Mathematics at Science. Nagdulot ito sa isang masikip na curriculum at sa kabiguan ng mga mag-aaral na matutunan ang mga pundasyon ng kinakailangan nilang kaalaman.
Binibigyang diin ng ulat na ito ang suliranin na una nang iniulat ng EDCOM: 62% ng mga guro sa high school ay nagtuturo ng mga subject na hindi tugma sa mga kursong kinuha nila sa kolehiyo.
Ngunit sa ilalim ng ating panukalang ratipikado na ng Senado, hindi na limitado ang ating mga guro sa paggamit ng isang pamamaraan ng pagtuturo. Maaari na silang gumamit ng ibang paraan na makatitiyak sa lubos na pagkatuto ng ating mga mag-aaral.
Aabangan natin ang ganap na pagsasabatas ng panukalang ito na inaasahan nating makatutulong sa pagsugpo sa krisis ng ating bansa sa edukasyon. Patuloy nating isusulong ang mga reporma upang matiyak na pagdating sa dekalidad na edukasyon, walang mag-aaral sa bansa ang mapag-iiwanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments