top of page

Marcos admin, ‘di raw apektado sa pangunguna ni VP Sara sa 2028 Pres’l. survey

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 16, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 16, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


COMELEC DAPAT UMAKSYON NA 'FORTHWITH' O AGAD-AGAD KASUHAN NA SI SP ESCUDERO AT FRIEND NIYANG KONTRAKTOR SA PAGLABAG SA OMNIBUS ELECTION CODE -- Sa Omnibus Election Code ng Batas Pambansa 881 ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga kandidato na tumanggap ng financial contribution sa mga kontraktor na may construction contract sa gobyerno at ang sinumang lalabag sa batas na ito ay may parusang 1 hanggang 6 na taong pagkabilanggo.


At dahil may ebidensya, base sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Senate President Chiz Escudero sa Comelec na P30 million campaign fund ang tinanggap niya kay Lawrence R. Lubiano, may-ari ng Centerways Construction and Development Inc. noong kumandidato siya uli sa pagka-senador noong 2022 election, ay dapat “forthwith” o agad-agad sampahan na ni Comelec Chairman George Garcia ng kaso ang senador (SP Escudero) at ang kontratistang si Mr. Lubiano, dali!


XXX


KAPAG HINDI KINASUHAN NG COMELEC SI SP ESCUDERO AT KAIBIGANG KONTRAKTOR, ASAHAN NANG SA 2028 ELECTION SANGKATUTAK NA KONTRATISTA MAGBIBIGAY NG PONDO SA MGA WINNABLE CANDIDATES -- Kapag hindi sinampahan ni Chairman Garcia ng kaso sina SP Escudero at Mr. Lubiano ay asahan nang sa 2028 election ay sangkatutak na kontraktor ang pipila sa mga mansyon ng winnable candidates sa pagka-senador at kongresista para magbigay ng campaign funds.


At kapag nangyari iyan, asahan na rin ng mamamayan na wala nang magiging solusyon ang baha sa ‘Pinas dahil ang budget sa flood control projects ay pagpipiyestahan nang ‘kurakutin’ ng mga bad na kontraktor at mga pork barrel senators and congressmen, boom!


XXX


GASTOS NG DEPED AT DPWH PER CLASSROOM P2.5M-P3.5M AT 3 YEARS BAGO MATAPOS, PERO ANG GASTOS NG ANGAT BUHAY FOUNDATION PER CLASSROOM P800K LANG, 3-4 MONTHS TAPOS! -- Sa Senate hearing patungkol sa kakulangan ng mga classroom sa mga public school ay natuklasan ni Sen. Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, at dito ay nadiskubre na kapag ang Dept. of Education (DepEd) at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang nagpagawa silid-aralan, ang gastos per classroom ay pumapalo ng P2.5 million hanggang P3.5 million, at inaabot ng halos 3 taon bago matapos ang isang silid-aralan.


Ang gastos at timetable ng DepEd at DPWH sa pagpapagawa ng isang classroom ay ikinumpara ni Sen. Aquino sa proyektong classroom ng Angat Buhay Foundation ni former Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo, na ang gastos sa kada isang classroom ay higit P800K lang at 3 months to 4 months tapos na itong gawin.

Lupit din naman ng mga "buwaya" sa DepEd at DPWH, pati pagpapagawa ng classroom ng mga batang mag-aaral, ini-scam pa, mga buset!


XXX


KAPAG NAGING PRESIDENTE NA ANG ANAK NI DIGONG, MGA KUMALABAN SA PAMILYA DUTERTE LAGOT! -- Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) spokesperson Usec. Claire Castro na hindi raw apektado ang Malacanang o ang Marcos administration sa pangunguna ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa 2028 presidential survey.


Sa ngayon hindi pa sila apektado kasi si PBBM pa ang Pangulo, pero kapag naging presidente na si VP Sara sa 2028, sigurado na ‘yung mga nasa Marcos admin na kumalaban sa pamilya Duterte maapektuhan, lagot sila sa resbak ng anak ni Digong, abangan!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page