Marcos admin, babagal-bagal sa pagsasampa ng kasong plunder sa mag-asawang Discaya
- BULGAR

- Sep 9
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 9, 2025

ASAHAN NA NG MAG-ASAWANG DISCAYA NA SANGKATUTAK NA PLUNDER CASE ANG KAKAHARAPIN DAHIL SANDAMAKMAK NA PERA NG BAYAN ANG ‘IN-SCAM’ NILA -- Noong August 31, 2025 ay sinabi ng kontraktor na si Curlee Discaya na hindi raw sila tatakas palabas ng Pilipinas dahil wala raw silang ghost projects, at sa pagharap naman ng kanyang misis na kontratista rin sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, ang mga construction firms daw nila ay hindi sangkot sa mga ghost project.
Pero nabuking na nagsisinungaling sila dahil may mga nag-post sa social media na nakarating na rin sa Facebook page ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na ang mga construction firm ng mag-asawang Discaya na Amethyst Horizon Builders at Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation ay may ghost projects na flood control na mag-uugnay sa mga Brgy. Batang at Brgy. Garawon, parehong nasa bayan ng Hernani sa Eastern Samar, at ang pag-aari rin ng mga Discaya na YPR General Contractor and Construction Supply Inc. ay may ghost project na flood control sa Brgy. Soong, Llorente sa nabanggit din na lalawigan.
Dahil sa nabulgar na iyan ay posibleng marami pang ghost projects ang mag-asawang Discaya, at dahil sangkatutak na pera ng bayan ang kanilang ‘in-scam’, asahan na nilang
sandamakdak na mga kasong plunder din ang kanilang kakaharapin, boom!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NI MAYOR VICO SOTTO ANG MGA KONTRATA NG MAG-ASAWANG DISCAYA SA CITY HALL MULA YEAR 2012, AT KAPAG ‘IN-SCAM’ ANG KABAN NG PASIG CITY, UNAHAN NIYA ANG BABAGAL-BAGAL NA MARCOS ADMIN SA PAGSASAMPA NG KASONG PLUNDER SA MGA ITO -- Sa interview nina Korina Sanchez at Julius Babao noon sa mag-asawang Discaya ay sinabi ni Sarah na noong year 2012 kumuha sila ng kontrata sa city hall, at sa Senate Blue Ribbon Committee ay inamin ni Sarah Discaya na year 2016 onwards daw nakakuha ng mga flood control project sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH).
Balikan natin ang year 2012, hindi pa alkalde sa panahong ito si Mayor Vico Sotto, kaya’t panawagan natin sa kanya (Mayor Vico) na tingnan ang mga kontratang pinasok ng mag-asawang Discaya sa city hall, at kapag napatunayang may ginawa rin silang ‘kawalanghiyaan’ sa kaban ng Pasig City, sampahan na agad niya ng kasong plunder, unahan na niya ang Marcos administration na babagal-bagal sa pagsasampa ng kaso sa mga Discaya, period!
XXX
KUNG SI SARAH DISCAYA ANG ‘FLOOD CONTROL SCAM QUEEN’, SI DPWH USEC. MARIA CABRAL NAMAN ANG ‘INSERT QUEEN’ -- Ang ibinulgar ni Sen. Ping Lacson na tinawagan ni DPWH Usec. Maria Cabral ang staff ni Sen. Tito Sotto noong May 2025 na mag-insert o magsingit ng mga flood control project para sa 2026 national budget, ay kinumpirma rin ni Tito Sen.
Malamang ang pangungumbinse ni Usec. Cabral sa staff ni Tito Sen ay ginawa rin nito sa mga staff ng ibang senador at kongresista, at maaaring may mga pumatol.
kung ang bansag ngayon kay Sara Discaya ay “flood control scam queen”, ang puwede namang ibansag kay Usec. Cabral ay “insert queen” ng DPWH, boom!
XXX
NASA ‘PINAS NA SI ROYIMA GARMA KAYA ASAHAN NA MABUBULOK SIYA SA KULUNGAN KAPAG NAPATUNAYANG GUILTY SA KASONG MURDER -- Nasa bansa na si former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royima Garma matapos siyang i-deport ng Amerika pabalik ng ‘Pinas.
Kabilang si Garma sa sinampahan ng kasong murder ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagpatay kay former PCSO Board Member Wesley Barayuga noong July 2020, at kapag napatunayang guilty siya sa kaso, dahil no bail ang murder case ay tiyak mabubulok na siya sa kulungan, abangan!







Comments