top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Marcial, Q'Finalist na, matatapat kay Darchinyan

  • BULGAR
  • Jul 30, 2021
  • 2 min read

ni VA / Gerard Arce - @Sports | July 30, 2021



Isang mabilis na laban ang nagbigay daan para kay 2019 AIBA World silver medalist Eumir Felix Marcial upang masiguro ang pwesto sa middleweight quarterfinal round nang manalo kontra Younes Nemouchi ng Algeria via Referee Stopped Contest dahil sa tinamong injury, habang hindi naging sapat ang mga patamang suntok na binitiwan ni Irish Magno upang magtapos na ang kampanya sa 2020+1 Tokyo Olympics, kahapon sa Kokugikan Arena, Japan.

Iminungkahi ni referee Slovakian referee Radoslav Simon na itigil ang laban sa nalalabing 2:41 matapos makakuha ng cut sa ulo ang Algerian boxer at makalusot sa round-of-16 para makatapat si Arman Darchinyan ng Armenia sa quarterfinals sa Linggo ng 11:36 a.m.

Sa pagtunog pa lang ng bell ay bumitaw agad ng mabibigat na suntok ang 25-anyos mula Zamboanga City para ipatikim ang malakas na kamao at malagay sa standing 8-count mula sa isang kanang suntok sa bibig. “Dikit ‘yung laban namin. Pasok lang siya nang pasok. Right hook ko ang tumama sa kanya sa unang bagsak, pero sobrang tibay din ng kalaban. Ilang beses ko rin siyang tinamaan ng body shots, pero nandoon pa rin ‘yung fighting spirit niya na, lalaban talaga siya,” wika ni Marcial.

Masaya po ako siyempre sa pagkapanalo. Hindi pa ito ‘yung last fight, marami pang fights na darating. Kasama ‘yung mga coaches ko, paghahandaan pa po namin ‘yung mga susunod na laban,” saad ni Marcial na pinuri ang national team coaches na sina Ronald Chavez, Gerson Nietes, Reynaldo Galido, Elmer Pamisa at Don Abnett, habang sumailalim ito sa matinding pagsasanay kay Hall of Famer trainer at coach na si Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Los Angeles.

Susubukan ni Marcial na makuha ang siguradong bronze medal sa semis laban kay Darchinyan, na minsan na rin niyang tinalo sa 2018 AIBA World Championships.

Nakalaban ko na po siya (Darchinyan) noong 2018 sa Russia, tinalo ko siya doon pero siyempre, itong Olympics talagang lahat naghanda para rito. Alam ko na handang-handa siya sa laban niya. Kaya ginawa ko lang kung ano ‘yung best ko,” pahayag ni Marcial.

Samantala, nabigo ang 29-anyos na si Magno ng Iloilo kay 30th biennial meet bronze medalist Jitpong Jutamas ng Thailand matapos paboran ng mga hurado ang huli sa 5-0 unanimous decision. Bawas na ng isa ang apat na mga Filipinong boksingero. Sinimulan ng agresibo ni Jitpong ang unang dalawang rounds upang ganap na makontrol ang laro. Nag-step up si Magno sa 3rd round,ngunit nagahol na siya sa oras. Isang hurado lang ang pumabor kay Magno sa third round sa iskor na 10-9. Sanhi ng kabiguan ni Magno, tatlo na lamang ang mga Pinoy pugs na nananatiling nasa kontensiyon sa pangunguna ni Nesthy Petecio na nakakatiyak na ng bronze medal.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page