top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Maraming nawalan ng kabuhayan at mahal sa buhay sa mga biktima ng kalamidad pero hindi ang...

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 25, 2020
  • 3 min read

Kanilang pag-asa sa buhay!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 25, 2020



Nitong mga nakaraang linggo ay nagsagawa tayo ng bayanihan relief operation sa mga naging biktima ng sunud-sunod na bagyo na sumalanta sa napakaraming lugar sa ating bansa.


Hindi kinaya ng maraming lalawigan ang pagragasa ng mga bagyong sinimulan ng Quinta, na sinundan ng Rolly at ang pinakamatindi ay ang pagnalasa ng Bagyong Ulysses na bukod sa hangin ay nagbuhos ng napakaraming ulan.


Ang resulta ay nagbaha ang napakaraming lugar hindi lamang sa Metro Manila kung hindi sa napakaraming lugar sa bansa na nagdulot ng grabeng pagkasira ng mga pananim at ari-arian.


Dahil dito ay personal tayong nagtungo sa mga bayan na labis na naapektuhan ng naturang trahedya at sinuyod natin ang lahat ng bayan patungong Norte kabilang na ang Isabela at Cagayan kung saan kitang-kita natin mismo kung paano ang sitwasyon ng ating mga kababayan.


Kung sa mga telebisyon ay napapanood natin ang kalunus-lunos na sitwasyon ng mga biktima nang pagbaha ay mas nakakakilabot sa personal na sitwasyon kung makikita n’yo ng aktuwal ang sitwasyon ng ating mga kababayan.


Nakakaantig ng damdamin ang makitang walang damit ang mga bata at natutuyo na ang putik sa kanilang mga binti dahil sa puro putik ang kapaligiran at wala silang masilungan.


Maging ang pila sa mga lugar na nagbabagsak ng kanilang pangangailangan ay lubhang napakahaba at kahit may mga namamahala ay hindi maiwasan ang paminsan-minsang agawan na marahil ay bunga na ng pagkagutom at pangamba sa sitwasyon.


Napakarami na rin ang nagbuwis ng buhay sa pangyayaring ito na karaniwan ay mga nagbulontaryong tumulong lamang ngunit sa gitna nang pagtulong ay nakuryente, nalunod at binawian ng buhay.


Inabutan pa natin ang mga magulang, asawa at mga anak na nawalan ng mahal sa buhay na hanggang ngayon ay tumatangis dahil hindi pa nakikita ang kanilang mga kaanak na hindi pa matiyak kung buhay pa o hindi na.


Wala na ring luhang mailabas ang mga kababayan nating nawalan ng tirahan na kahit isang poste ay wala talagang natira dahil sa lakas ng ragasa ng tubig na tumangay sa kani-kanilang tahanan.


Kitang-kita rin ang mga magsasaka na nalugi sa kani-kanilang sinasaka dahil wala ng natira sa kanilang mga pananim na inaasahan nilang anihin bago dumating ang Disyembre para panggastos sa araw ng Pasko.


Hindi rin mabilang ang sasakyang hindi na talaga pakikinabangan dahil bukod sa putik ay nawasak matapos tangayin ng tubig baha kabilang na ang mga sasakyang gamit nila sa paghahanapbuhay.


Idagdag pa na maging ang ilang pagamutan na tanging inaasahan ng marami nating kabababayan ay inabot din ng putik at kailangan din ayusin muna bago makapagbigay ng tamang serbisyo sa ating mga biktima ng kalamidad.


May mga kababayan tayong nawalan ng mahal sa buhay, nawalan ng ari-arian at meron ding nawala lahat ng mahahalagang bagay na meron sila at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa matiyak kung paano sila magsisimula.


Libu-libong sako ng bigas ang ating naipamahagi hanggang sa San Mateo, Rodriguez, Antipolo at iba pang bayan sa Rizal maging sa buong Bicol region na hanggang ngayon ay nakalugmok pa rin sa sitwasyon.


Pero kahanga-hanga ang marami sa ating mga kababayan dahil nawala ang marami sa kanilang buhay ngunit hindi nawala ang pag-asa sa kanilang mga mukha na umaasahang isang araw ay muling makakaahon sa kasalukuyang sitwasyon.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page