top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Marami tayong napasaya sa Kap’s Amazing ang Pasko Giveaway

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 28, 2021
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 28, 2021



Higit na nagkaroon ng kahulugan ang diwa ng Pasko dahil sa katuwaang naihatid sa marami nating kababayan dahil naging matagumpay ang isinagawa nating Kap’s Amazing Ang Pasko Giveaway noong Disyembre 23.


Muli tayong tinutukan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at kahit walang kuryente sa maraming lugar na sinalanta ng Bagyong Odette ay may mga nakisali pa rin kahit sisinghap-singhap ang signal.


May isa nga na masuwerteng nakasali sa Pera o Letra ng Agimat ng Agila ang hindi talaga naririnig ang kanyang sinasabi dahil sobrang bagal ng kanyang internet connection, ngunit hindi natin siya pinalitan, bagkus ay pinagtiyagaan siyang kausapin sa senyas para lamang makuha ang premyo.


Sa 12 kalahok na nabunot sa Pera o Letra ay napakarami nang nanalo ng P10,000, P20,000, 50,000 at agad na nakuha ang dinoble nating jackpot prize na P200,000 at lahat ay hindi magkamayaw sa tuwa at napakarami ng naging emosyunal dahil bukod sa Pasko ay panahon pa ng pandemya.


Marami rin ang nakatanggap ng Laptop at Tablet bukod pa sa ipinamamahaging Kabuhayan Package na mini sari-sari store at meron pang kalahok na bukod sa may edad na ay may tinataglay pang karamdaman ang pinapipili natin kung pera o kabuhayan package at nakiusap na kung puwede raw ay pareho ay agad na natin itong ibinigay.


Sa kauna-unahang pagkakataon ay wala tayong inimbitang celebrity na dati-rati ay katuwang natin sa pagpapatakbo ng programa dahil pawang mga anak ng inyong lingkod ang nakasama natin mula sa simula ng programa hanggang sa matapos at ang maybahay na si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla.


Masaya dahil sa unang bahagi ng programa ay kasama na natin si Mayor Lani, bagong kasal na si Gianna kasama ang kanyang mister na sumasabay din sa saya at si Bryan na kahit abala bilang first nominee ng Agimat Party List ay nagdagdag din sa sigla ng programa.


Nakakatuwa na si Inah na halos dalawang taon nang hindi nakikita dahil nakabase na sa Davao kasama ang kanyang pamilya ay nakigulo rin sa naturang programa at mistulang napakasayang reunion ang nangyari.


Maging ang napakamahiyaing si Ram ay biglang nagkalakas ng loob na humarap sa tao at talagang may pinagmanahan dahil mahusay na itong magsalita kasabay din ni Loudette.


Sa unang bahagi pa lamang ng programa ay tatlo katao agad ang tumama ng tig-P100,000 sa roleta at may mga nanalo rin ng P50,000 at P25,000 na naghihiyawan din sa tuwa.


Naging pambungad ng programa ang Nochebuenamizer na sa unang bugso ay 200 indibidwal ang sinuwerte sa raffle na wala namang ginawa kundi ang tumutok at mag-comment sa gitna ng programa at tumanggap ng tig-P1,000 bawat isa.



Sa kalagitnaan ng programa ay panibagong 200 katao ang pinalad na tumanggap ng tig-P1000 bawat isa na sa kabuuan ay umabot sa 400 katao ang sinuwerte na umabot sa kabuuang P400,000 ang naipamahagi sa Nochebuenamizer pa lamang.


Isa sa inabangan ng marami ay ang ‘Amazing Ang Pasko Dance Challenge’ kung saan ang mga kalahok ay nagpadala ng video ng kani-kanilang sayaw na nagkaroon ng solo, couples at group category at naglaan naman tayo ng P100,000 para sa champion, P50,000 sa 2nd place at P20,000 para sa 3rd place at meron ding mga consolation prizes.


Ang grupo ng mga taga-Misamis Oriental ang itinanghal na kampeon dahil sa husay ng ipinakita nilang performance na bukod sa pinaghandaan ang costume ay may kaugnayan pa sa Pasko ang ipinadala nilang video na nagustuhan ng lahat.


Noong nakaraang taon ay nagkaroon tayo ng Valentines Giveaway at muli ay inuulan tayo ng request sa social media na sana’y maulit at sisikapin nating muling maulit ang giveaway na ito kaya lamang ay hindi ko pa maianunsiyo dahil sa kailangan nating unahin ang sitwasyon ng mga kababayan nating sinalanta ng Bagyong Odette.


Sa mga nakapanood, kung napapapansin ninyo na itong Kap’s Amazing Ang Pasko Giveway ang pinakamadali ang mga palaro kompara sa mga naunang giveway dahil bukod sa Pasko ay may mga biktima ng kalamidad.


Naghahanda pa lamang sa pagdating ng bagyo ang ating mga kababayan ay nagpadala na agad tayo ng ayuda at tuluy-tuloy hanggang sa tumama na ang bagyo ay patuloy pa rin ang pagbibigay natin ng tubig, pagkain at iba pang pangangailangan.


Kaya personal muna nating bibisitahin ang mga biktima ng bagyo para mabigyan naman ng tulong-pinansiyal upang makapagsimula sila kahit maliit na hanapbuhay at saka na iaanunsiyo ang susunod na giveaway.


Marami na tayong napasaya na apektado ng pandemya kaya dapat pasayahin naman natin ang mga kababayan nating nakaligtas nga sa tiyak na kamatayan dulot ng pandemya pero hindi sa hagupit ng Bagyong Odette.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page