Marami pang mangyayari sa huling termino ng Pangulo
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 30, 2021
Kung sa vision, sipag, at effort lang ng Pangulo, perfect 10. At ‘yung SONA naman, a very solid 8. Bakit 8? Hindi pa tapos ang kanyang termino, at marami pa tayong pagtutulungan para maisakatuparan ang lahat.
Ito ang naging sagot natin sa panayam nang tanungin tayo kung ano ang ating reaksiyon hinggil sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Ang pinakahuling SONA na inihatid ng Pangulo ay kabuuan ng kanyang panunungkulan at inilatag nito ang kanyang mga nagawa at proyektong matagumpay na naisakatuparan at plano pang gawin sa natitira pa nitong panahon bilang Pangulo ng bansa.
Hindi rin nito ipinagkait na bigyang-pagkilala ang magkasanib puwersa ng Ehekutibo at Lehistratura na maisakatuparan ang mahahalagang batas na kailangang-kailangan upang maisaayos pa ang pamamalakad ng bansa.
Binigyang-pansin din ng Pangulo ang Universal Healthcare law at ang Free tertiary education act at iba pang mahahalagang batas na naisagawa sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Kapansin-pansin din ang naging magandang bunga ng Build, Build, Build program upang maisakatuparan ang mga kinakailangang imprastruktura sa buong bansa, partikular ang mga hindi natapos na proyekto ng mga nagdaang rehimen.
Alam nating hindi lahat ng proyektong tinapos ay proyekto ng kasalukuyang administrasyon, ngunit isinaisantabi muna ng pamahalaan ang pulitika at sa halip ay tinapos ang mga nakabinbing proyekto at ngayon ay maayos na napakikinabangan.
Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang paglalahad kung paano isinaayos ang sistema sa public transport at kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa EDSA na binago ang mga sakayan at babaan ng mga pasahero na nakatulong ng malaki sa pagluluwag ng trapiko.
Malaki rin ang naiambag ng mga pampublikong sasakyan inako ng pamahalaan ang gastos sa panahon ng pandemya upang maihatid ang mga manggagawa at ilan pa nating kababayan ng libre sa kanilang patutunguhan.
Ang pagbibigay-prayoridad sa serbisyong pangkalusugan ay naisakatuparan din sa pamamagitan ng pag-institutionalize ng Malasakit Centers na matatagpuan sa iba’t ibang piling bayan ng mga lalawigan sa buong bansa.
Ang isa sa malalaking palatandaan na maiiwan ng administrasyon ay ang ipinamalas nilang political will na hindi natin naransan sa mga nagdaang panahon na naging susi sa pakikiisa ng taumbayan tungo sa tagumpay ng kanyang mga programa.
Ang repormang ipinatupad ng Pangulo ay nagdulot ng matibay na pundasyon tungo sa mas mabilis na pag-unlad ng ekonomiya hanggang 2020 kung saan nagsimula ang COVID-19, ngunit sa kabila ng mga hamon ay natugunan ng kanyang pamamahala ang unos dulot ng pandemya.
Bagama’t nag-aagawan sa merkado sa pag-angkat ng bakuna ay agad naman itong naisaayos ng pamahalaan at sa kasalukuyan ay tuluy-tuloy na ang pagdating ng bakuna sa bansa at maging ang pagbibigay ng bakuna ay nailatag na ng maayos at inaasahang makakamit ang minimithi nating herd immunity sa mabilis na panahon.
Sa halos tatlong oras na pagsasalita ng Pangulo ay hindi nito pinalampas ang patuloy na pagsugpo sa korupsiyon kahit bahagyang may pag-amin na hindi talaga ito basta mawawala ay damang-dama naman ang kanyang sensiridad na masugpo ang naturang suliranin.
Binigyang-diin pa ng Pangulo na ang ilang bahagi ng nalalabi niyang panahon ay itutuon niya sa paglilinis ng mga sangay na may katiwalian at pananagutin ang mga matutukoy na nagsasamantala sa pamahalaan.
Naging maramdamin ang naging pahayag ng Pangulo nang muli nitong talakayin ang pakikipabaka ng pamahalaan hinggil sa pagsugpo ng ilegal na droga sa bansa dahil sa mas tila kinikilingan pa ng kanyang mga tagapuna ang ilang nasawing sangkot sa droga.
Ang sama-sama ng loob ng Pangulo nang sambitin niyang siyam na heneral ang umano’y nagpahirap sa pamahalaan para labanan ang bawal na droga na kalaunan ay ipinagtapat niyang inalis na lahat sa serbisyo, ngunit sadyang hindi inihayag ang mga pagkakakilanlan dahil sa madadamay ang kani-kanilang pamilya na wala namang kinalaman.
Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang patuloy na pakikipaglaban ng pamahalaan laban sa mga rebelde at teroristang grupo kabilang na ang pag-lulunsad niya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nakatuon lamang sa pag-aalsa ng mga armadong grupo laban sa pamahalaan.
Pinatutugis nga rin ng Pangulo kung sino ang nasa likod ng mga baril na AK-47 na gamit ng mga rebeldeng grupo na nakasagupa ng militar dahil marami umano ang mga sundalong nasawi at nakumpirma na mula sa naturang baril ang dahilan.
Sa kanyang huling taon sa Palasyo ay buo ang tiwala at pag-asa ng sambayan na tuluy-tuloy lang ang pagtutulungan upang maisakatuparan ang lahat ng mga natitira pang dapat gawin.
Sa kabuuan ay umani ng 92 ulit nang palakpak ang Pangulo, patunay ng tiwala, suporta at pasasalamat sa maayos niyang pamamahala.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments