top of page

Mapait man ang naranasan, ‘wag mapagod umibig

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 12
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 12, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Papunta na tayo sa exciting part, ‘ika nga, ngayong buwan ng “Feb-ibig”: ang paparating na Valentine’s Day, na nabansagang araw ng mga puso. 


Tiba-tiba na naman ang mga magbubulaklak sa maglilipanang bibili ng iba’t ibang klase at kulay ng rosas. Magwawagi rin ang mga may-ari ng mapagkakainan na ang kanilang puwesto ay gagawing tipanan ng mga magkasintahan. Pati ang mga nagbebenta ng tsokolate, pabango at ibang pangregalo ay posibleng madagdagan ang kikitain sa taunang selebrasyong ito. Malamang na magiging panalo rin ang mga nagpapatakbo ng mga motel, na ang kadalasang biro sa ganitong panahon ay mayayanig ang kanilang gusali dahil sa sabay-sabay na mapusok na mga pagniniig. Baka ang mga nagmamando ng anumang pampublikong transportasyon ay matuwa rin, sa dami ba naman ng magiging motorista sa kalye lalo pa’t Biyernes at, para sa nakararami, araw din ng sahod. 


Siyempre, umaasang magtatagumpay ang mga taong nanunuyo ng kanilang inaasam na maging dyowa o kaya’y kabiyak, na gagamitin ang ika-14 ng Pebrero upang maipahayag at masalungguhitan ang kanilang hangarin at damdamin sa bukod-tanging napupusuan. 


Ngunit paano naman ang mga walang ganito? Paano ang mga nag-iisa sa larangan ng romansa, na baka pa nga tigang ang turing sa sarili dahil wala pang nakikilala o nakakamit na iniirog? O ‘di kaya’y iniwanan ng pinaglaanan ng ’di mabilang na oras, lakas at debosyon at nauwi sa pagkasawi?


Hinding-hindi kailangang manghinayang at magpadaig sa agos ng dalamhati at hinagpis dahil lang walang kahawak-kamay sa araw na iyan. Hindi kailangang magmukmok at isipin na tila ’di nararapat na magkaroon ng katuwang o sadyang pinagkakaitan ng minimithing kaligayahan. Napakarami pa ring maaaring magawa upang maging masaya habang isinasakatuparan ang araw ng mga puso para sa sarili at sa pamamagitan ng ibang mga pamantayan.


Ang pagpapamalas ng pagmamahal ay hindi naman kinakailangang kasintahan ang makatatanggap. Bakit hindi ialay ang oras sa pagkausap o pakikipagkita sa kapamilya o iba pang kadugo, lalo na kung matagal na silang hindi nakakapanayam? Puwede ring magbuhos ng masigabong atensyon sa anak o kaya’y pamangkin o inaanak. Maaari ring gumimik o maglakad-lakad sa mga maningning na pamilihan kasama ang mga paboritong katrabaho o kabiruang mga kabarkada. Kung may mga alagang aso o pusa ay puwede ring sila ang maging kaulayaw. O bakit hindi magtaas-noo at kaibiganin nang masinsinan at i-date ang sarili?


Kahit hindi pa World Heart Day, o ang espesyal na araw tuwing Setyembre kung kailan ang usapin ay ang pagpapalusog ng puso o pagpapagamot nito laban sa karamdaman, ang darating na Biyernes ay ginintuang pagkakataon din upang mapangalagaang hindi “madurog” ang nag-iisang parte ng ating katawan na tinutukoy ng salitang pagtibok.


Kung kaya’t maaaring maglaan sa araw na iyon ng mga balakin at pagpapasya kung paano mas mapag-iingatan ang napakahalagang bahaging ito na nagpapadaloy ng ating dugo.


Una sa lahat, iwasang ihambing ang sarili sa mga tao na tila hindi napapawian ng ngiti at galak, maliban na lang kung tatanawin ang mga ito bilang inspirasyon sa pagpapalakas ng iyong isip at diwa. 


Ingatang hindi maging labis o kulang ang sariling timbang. Ugaliing bantayan ang kinakain at tiyaking sapat sa mahibla o fibrous na mapagpipilian ang mga ito, upang mapanatili sa maganda’t ligtas na antas ang ating kolesterol at presyon ng dugo. 


Huwag manigarilyo at umiwas sa usok at alkohol. Bawasan ang asin pati ang saturated fat sa mga pinapapak, at piliing maging masagana sa gulay at prutas ang pagnanamnam. Huwag magpakatali sa silya at gumalaw-galaw at maglakad-lakad, mag-ehersisyo, sumayaw nang magiliw, magbuhat-buhat, maghagdan imbes na mag-elevator o escalator, at gumawa ng iba pang kilos na makakapagpahingal upang mapukaw ang pangangatawan. 


Matapos seryosohin ang suliranin ay tawanan ang mga ito kahit papaano. Pumreno sa tulin ng araw, magpahinga pansamantala at titigan ang langit o kaya’y manood saglit ng nakaaaliw na sine o serye. Makatutulong din ang pag-aalaga ng hayop o halamang masasaksihan ang nakamamanghang pagsibol o pagyabong. 


Anuman ang dalang lungkot ng araw ng mga puso sa mga “malamig” ang katayuan ay dapat ihalintulad ang kapanglawan sa ulan o bagyo na lumilipas din. Mahalagang manalig, magpakatibay at kumapit sa sarili, at hayaang dumaan at umalpas ang pagdaramdam. 


Tandaan din natin na kahit ang mga nagkagaanan na ng loob ay hindi nakakaiwas sa alitan, dala ng pagiging magkaibang mga indibidwal na nagkakasalungat pa rin sa mga hilig, pananaw, ayaw at gusto. 


Marahil ay mainam ding ituring na kaibigan ang malumbay na kasalukuyan o mapait na mga karanasan sa pag-ibig. Malay natin na pampatawid pala ang mga ito patungo sa marilag na bukas, kung saan maaaring lumitaw ang natatanging kapareha na muling makapagpapatibok ng iyong puso at handa na ulit umibig.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page