Manong Chavit, nanawagan na ng military takeover?!
- BULGAR

- Sep 22
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 22, 2025

DAPAT LANG BATIKUSIN SI PBBM, SIYA ANG LUMAGDA SA 2022, 2023, 2024 AT 2025 NATIONAL BUDGETS NA MAY SANGKATUTAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS -- Sa protesta kontra korupsiyon, kahit si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang nagbulgar sa flood control projects scam ay kabilang ang Presidente sa binabatikos ng mga raliyista.
Sa totoo lang, may punto naman ang mga raliyista na batikusin si PBBM dahil siya ang pumirma sa mga year 2022, 2023, 2024 at 2025 national budgets na may nakapaloob na sangkatutak na flood control projects, boom!
XXX
VP SARA HINDI SAFE, SAPOL DIN SA KINUKONDENA SA PROTESTA KONTRA KORUPSIYON -- Ang protesta kontra korupsiyon ay hindi lang patungkol sa flood control projects scam, kundi sa lahat ng uri ng katiwaliang nagaganap sa pamahalaan, kabilang ang kinasasangkutan ni Vice President Sara Duterte-Carpio na confidential funds na iniimbestigahan ng Kamara.
Iyan ang dahilan kung kaya’t hindi safe, sapol din si VP Sara sa kinukondena ng mga raliyista, period!
XXX
SI EX-SPEAKER ROMUALDEZ PALA ANG ‘NAGPATAKAS’ KAY CONG. ZALDY CO, KAYA DAPAT GISAHIN NANG TODO NG ICI, LUMABAS NA MAY ALAM SIYA SA SANGKATUTAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS -- Binawi ni newly elected House Speaker Bojie Dy ang travel clearance ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, kung kaya nakalabas ito ng Pilipinas at nakapagtago sa Amerika ang partylist congressman.
Kung binawi, ibig sabihin n’yan ay si former House Speaker Martin Romualdez pala ang nagkaloob ng travel clearance kay Cong. Co para makapagtago ito sa US sa kasagsagan ng imbestigasyon sa flood control projects scam.
Dahil diyan, dapat gisahin nang todo ng Independent Commission for Infrastructures (ICI) si Rep. Romualdez dahil lumalabas ngayon na may alam siya sa mga ‘kawalanghiyaang’ ginawa ni Cong. Zaldy, dating chairman ng House Committee on Appropriations na nagsingit ng sangkatutak na flood control projects sa national budgets noong year 2022, 2023, 2024 at year 2025, buset!
XXX
MILITARY TAKEOVER PANAWAGAN DAW NI MANONG CHAVIT NA IBIG SABIHIN HINDI LANG SI PBBM GUSTO NIYANG PATALSIKIN, KUNDI PATI SI VP SARA -- Nanawagan daw si former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ng military takeover, na militar muna ang mamahala sa gobyerno, na alis muna sa puwesto ang lahat ng high ranking politicians sa bansa.
Sa tema ng panawagang ito ni Manong Chavit, hindi lang si PBBM ang gusto niyang bumaba sa puwesto, kundi pati si VP Sara, boom!







Comments