Manggagantso mas marami na sa social media kumpara sa kalye

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 18, 2021
Dahil sa sobrang bilis ng teknolohiya, sobrang bilis din ng mga transaksiyon at sobrang dami rin nang napagaan ang sistema sa buhay ngunit sobrang dami rin nang naloko sa social media.
Napakabilis um-order ng pagkain, maging sa pagsa-shopping ay ilang sandali lang ang kailangan, sa pagbabayad sa mga bills at sa marami pang bagay ay maaari nang isagawa sa pamamagitan ng online transaction.
Ngunit hindi puro bentahe ang dulot nito dahil kung dati ay naglipana ang mga masasamang loob sa mga matataong lugar ay hindi na ngayon dahil nag-level-up na rin sila at mas marami na ngayon sa social media.
Kamakailan lamang ay isang 22-anyos na computer science student mula sa Isabela State University-Cauayan Campus ang inaresto dahil nagawa nitong mag-withdraw ng malaking halaga at nakabili ito ng kotse, motorsiklo at mamahaling gadgets.
Ang tawag dito ay phishing scam, ito ‘yung nagpapadala ng mensahe sa email sa mga mayayaman at malalaking kumpanya na sa sobrang husay ng kanilang pamamaraan ay nakukuha nila ang mga sensitibong impormasyon tulad ng user name, password at credit card details ng isang biktima.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI) nagpadala umano ng email ang salarin na nagpanggap umanong taga-banko at sinabing nagsasagawa umano sila ng update sa kanilang online banking database at kailangang i-click ang link.
Matapos i-click ay lalabas ang pekeng web site na kamukhang–kamukha ng web site ng banko ng bibiktimahin na humihiling ng lahat ng online banking details ng biktima kabilang na ang credit card information kaya ang resulta simot ang laman ng bank account ng biktima.
Kakaiba naman ang nangyari kay Sen. Sherwin Gatchalian dahil wala siyang kamalay-malay na nagamit pala ng hacker ang kanyang credit card sa Union Bank at nawalan siya ng P1 miyon na ginamit umano sa pambili ng mamahaling mga alak sa pamamagitan ng online delivery app na Food Panda.
Kung paano ito nangyari ay kasalukuyan pa itong iniimbestigahan ng NBI upang matukoy kung sino ang salarin at dito makikita na walang sinisino ang mga masasamang loob sa social media kahit Senador pa.
Isa pa sa dapat ingatan ay ang agad na pagtitiwala sa kausap sa social media at kapag nagpakilalang kakilala ninyo at may sangkot na malaking halaga ay makabubuting tawagan mo na ninyo ang kausap upang matiyak na tunay talaga ang inyong katransaksiyon.
May ilan kasi na ginagaya mismo ang social media account ng inyong kakilala at may litrato pa tapos ay hihingi kunwari ng tulong o kahit ano'ng pakiusap na kailangan mong magbigay ng pera ngunit manloloko lang pala.
Napakarami na ring biktima ng love scam, ito ‘yung naglipana naman sa mga dating sites na ang target ay ang ating mga kababayang babae na nais makapag-asawa ng foreigner.
Malaking sindikato ang mga ito na matiyagang nakikipag-chat sa mga babae nating kababayan hanggang sa sila ay mapaibig at kapag karelasyon na ay sasabihin ng foreigner na uuwi ito ng Pilipinas para pakasalan na ang pobre nating kababayan o kaya ay dadalaw lamang dala ang mga pasalubong tulad ng laptop, cellphone, alahas at iba pa.
Sa mismong araw ng pagdating ng foreigner ay nakaabang na sa airport ang biktima at doon ay makakatanggap ito ng tawag na na-hold umano sa stop-over sa ibang bansa ang foreigner dahil sa dami ng dala at kailangang magbigay ng 1,500 dollars para hindi na kalkalin pa ang mga bagahe baka malaman pang marami ang dala nitong pera.
Gagawa naman ng paraan ang pobre nating kababayan sa pangakong ibabalik din ang pera paglabas ng airport dahil nasa bagahe umano ang pera nito na kasalukuyang naka-hold sa immigration.
Sa pamamagitan ng money transfer ay agad magpapadala ang umiibig at umaasa nating kababayan ngunit pagkatapos nito ay walang foreigner na darating at napakarami na ng naging biktima nito na karamihan ay mga teacher pa.
Kaya doble-ingat sa paggamit ng social media, hindi lahat dito totoo, kumpirmahin muna bago paniwalaan lalo na sa talamak na fake news na tila nagiging natural na lang!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments