top of page

Mandatory evacuation centers, bigyang prayoridad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 4
  • 4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 4, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Mahalagang malaman ng taumbayan ang mga tinatalakay sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordination Committee o DBCC. Pera ng Pilipino ang pinag-uusapan dito kaya lagi nating sinasabi, dapat ibalik ito sa kanila sa pamamagitan ng maayos na serbisyo.


Nitong September 1, nabanggit sa DBCC briefing ang budget para sa pagpapatayo ng mandatory evacuation centers sa lahat ng siyudad at munisipalidad. Bilang Vice Chairman ng Senate Committee of Finance at principal author and co-sponsor ng Republic Act No. 12076 o ang Ligtas Pinoy Centers Act, patuloy nating ipinaglalaban ang kapakanan ng ating evacuees.


Sa kabila ng kontrobersiya sa flood control projects, habang maraming Pilipino ang apektado ng malawakang pagbaha, ipinapanawagan natin na bigyang prayoridad ang Ligtas Pinoy Centers. Sa laki ng nailalaan na pondo para sa flood control sa lumipas na mga taon (umaabot na sa P1.2 trilyon), puwede na sanang makapagpatayo ng 60,000 evacuation centers para sa lahat ng siyudad at bayan sa buong bansa. Katumbas din ng halagang ito ang 800,000 na mga health center o ‘di kaya’y 800 na level 3 hospitals. Nakakalungkot na sa briefing ng DBCC, nabanggit na P3.6 bilyon lang ang inilalaang pondo para sa evacuation centers sa susunod na taon.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Health, hindi natin tinitigilan ang pagtutok sa mga pangakong reporma ng PhilHealth. Sa DBCC briefing, inilatag ang panukalang subsidy para sa PhilHealth na lalampas sa P50 bilyon. Patuloy nating ipaglalaban ang naaayon sa batas na pondo ng PhilHealth. Health is wealth! Dapat na bigyang prayoridad ang kalusugan tulad ng iba pang mga programa na talagang may pakinabang sa taumbayan.


Para sa ating senior citizens, natalakay sa DBCC na walang increase sa pondo na ipinapanukala para sa 2026. Ito ay sa kabila ng mahigit 800,000 senior citizens na nasa waitlist pa rin para sa kanilang social pension. Bilang co-author ng RA 11916 na nagtaas sa pensyon mula P500 at naging P1,000, isusulong natin na mas mapondohan pa ang mga programa para sa ating mga nakatatanda.


Nagpapasalamat tayo sa Executive Department, Department of Budget and Management, Department of Health, at kay Pangulong Bongbong Marcos matapos ianunsyo ng DBM sa DBCC briefing, ang pag-release ng P6.7 bilyon para sa Health Emergency Allowances (HEA) arrears na utang ng gobyerno sa ating healthcare workers. Long overdue na ito dahil noon pang pandemya nila ito pinaghirapan at pinagpaguran. Kasama ng ating modern-day heroes, sulit ang pangungulit natin sa 15 public hearings ng Senate Committee on Health. Babantayan natin ito hanggang tuluyang matanggap ng healthcare workers dahil ito ay services rendered na. 


Bilang Chairman ng Senate Committee on Sports, kahit papaano ay suportado natin ang panukalang dagdagan ng 36% mula sa P725 milyon na panukala para sa 2025 ang pondo ng Philippine Sports Commission o PSC na inanunsyo sa DBCC briefing. Hindi maikakailang kulang pa rin ito para makamit ang ating pangarap na muling maging sports powerhouse sa Asia ang Pilipinas. Kung sapat ang pondo para sa ating mga atleta, wala na silang iisipin pa kundi ang maghanda para sa kompetisyon.


Umasa kayo na ipaglalaban ng inyong Senator Kuya Bong Go ang pro-poor at pro-Filipino programs lalo na ang healthcare, education, sports, at mga inisyatibang tunay na magbibigay serbisyo sa kapwa natin Pilipino.


Samantala, noong August 27, bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Finance, personal tayong dumalo sa dalawang inagurasyon ng Multi-Purpose Buildings sa Quezon City kasama si Councilor Mikey Belmonte, Councilor Ranie "Tatay" Ludovica, Kapitan Rascal Doctor ng Brgy. Payatas, at Kapitan Manuel Co ng Brgy. Commonwealth. Isa ay matatagpuan sa Lupang Pangako sa Barangay Payatas, at ang isa naman ay nasa Sanapa East Side, Commonwealth. Sinuportahan at isinulong natin ang mga proyektong ito para sa komunidad.


Dumalo rin tayo sa National Fire Training Institute (NFTI) Fire Basic Recruit Course (FBRC) Class 2025-136, “Class Mandasig,” Graduation Ceremony, kasama sina Acting Director FSSupt Christine Cula, PBGen Ferdinand Sevilla (Ret.), Presidente ng Philippine Public Safety College; JSSupt. Ronaldo Senoc, Director ng National Jail Management and Penology Training Institute; at si PCol Melvin Napiloy, Deputy Regional Director for Administration ng PRO 4A, noong August 28.


Noong August 29, inimbitahan kami bilang guest of honor at speaker sa pagbubukas ng Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines, Inc. (IIEE) 26th Southern Mindanao Regional Conference sa Davao City, na pinamunuan ni National President Alberto Herrera Jr.


Dumalo naman kami sa turnover ng Super Health Center sa Isulan, Sultan Kudarat kasama si Mayor Princess Rihan Sakaluran noong August 30, kasunod ng pagdiriwang ng ika-68 Founding Anniversary ng Isulan at ika-12 Hamungaya Festival. Pagkatapos nito, nakiisa kami sa Fiesta Handaan Boodle Fight at Linggo ng Kabataan.

Nakibahagi rin tayo sa pagdiriwang ang mga opisyal ng lalawigan, kabilang sina Governor Datu Pax Ali Mangudadatu, Vice Governor Datu Prince Raden Sakaluran, Mayor Sakaluran, Vice Mayor Atty. Arnold Armada, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. Dumalo ang mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan ng Sultan Kudarat: Mayor Datu Yassin Mangudadatu ng Lutayan, Mayor Charles Ploteña ng Esperanza, Mayor Ronan Garcia ng Kalamansig, Mayor Myrna Kapina ng Palimbang, Mayor Katrina Sandigan ng President Quirino, Mayor Rafael Flauta ng Sen. Ninoy Aquino, Mayor Amirh Musali ng Columbio, at Mayor Frederick Celestial ng Lebak.


Samantala, tumulong ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang kababayan noong nakaraang linggo matapos agad nilang alalayan ang 15 pamilya na naapektuhan ng sunog sa Binangonan, Rizal. Nagbigay din ng tulong ang Malasakit Team sa 68 biktima ng sunog sa Davao City. Bukod dito, nagbigay din tayo ng tulong sa 222 biktima ng bagyo sa Looc, Occidental Mindoro.


Nagbigay din tayo ng tulong sa 57 iskolar sa Sorsogon, 82 sa Southern Luzon Technological College Foundation sa Legazpi City, Albay, at 205 sa Camarines Norte. Sa Lipa City, Batangas, dumalo ang Malasakit Team sa turnover ng isang ambulansya. Samantala, sa Talisay City, Cebu, nakiisa ang Malasakit Team sa itinayong Super Health Center sa lungsod.


Hinding-hindi ko sasayangin ‘yung pagkakataong ibinigay n’yo sa akin. Magtatrabaho ako para sa Pilipino sa abot ng aking makakaya. At iyan ang puwede kong ialay sa inyo, ang sipag at dahil bisyo ko ang magserbisyo


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

1 Comment


Angeline AngelineNajera
Angeline AngelineNajera
Sep 04

Welkom bij Skyhills Casino, waar iedereen zich thuis voelt in onze gastvrije en inclusieve omgeving. Ongeacht uw ervaring of budget, ons vriendelijke team staat klaar om u te begeleiden. Van beginners tot Sky Hills Casino Review ervaren spelers, iedereen vindt zijn plek aan onze diverse speeltafels. We vieren diversiteit en zorgen ervoor dat alle gasten zich gerespecteerd en gewaardeerd voelen. Bij ons draait alles om plezier, verbinding en respect voor elkaar.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page