top of page

Manalangin, maging mahinahon at magkaisa laban sa katiwalian

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 17
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | September 17, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa gitna ng nangyayaring katiwalian sa ating bansa habang nabubuo naman ang tila galit ng taumbayan na mulat na at nais wakasan ang maling sistemang ito, nagkakaroon lagi ng intervention sa tulong ng Simbahan.


Naririyan ang Simbahan upang ipaalala na maaari nating makamit ang hustisya at mapanagot ang mga may sala sa mahinahon at mapayapang hakbang. 


Ayon sa Pastoral Letter ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, malinaw ang mensahe niya na magdasal, umunawa at magpakita ng pagkakaisa laban sa katiwalian nang hindi humahantong sa karahasan. Dagdag niya, ang mga protesta at pagtitipon ay hindi lang puno ng galit, kundi konkretong pagpapamalas ng moral na paninindigan, isang obligasyong panlipunan upang supilin ang katiwalian. 


Dahil sa patuloy na nabubulgar ang maanomalyang flood control projects umano ng Department of Public and Highways (DPWH), ay umabot na rin sa pagsasampa ng mga kaso laban sa 20 opisyal at ilang kontraktor. Subalit, lalong nadungisan ang tiwala ng publiko nang mabunyag ang umano’y paggamit ng perang galing sa mga buwis para sa luho at bisyo ng mga sangkot. 


Hindi nakapagtataka kung bakit marami ang nagkakaisa para manindigan — mula ordinaryong mamamayan hanggang civil society groups, lahat nag-iingay upang papanagutin ang dapat managot. Nagtatakda na rin ang marami ng mga kilos-protesta, kung saan ang layunin ng bawat grupo ay hindi para kontrahin ang isang partido, hindi rin pagtuligsa sa isang lider, kundi laban sa katiwaliang sumisira sa bansa. 

Kaya naman panawagan ni Cardinal Advincula, sa lahat ng parokya, shrines, chaplaincies, mission stations, at religious communities na magsagawa ng mga panalangin o prayerful reflections, at konkreto at mapayapang aksyon laban sa katiwalian. Apela pa niya, umasa tayo at manalangin na ang hustisya at kapayapaan ay patuloy na maghari sa ating mga puso.


Naniniwala akong mahalagang sundin ang paalala ng Simbahan na huwag hayaang mabalot ng galit ang ating mga gagawing aksyon. Ang laban natin kontra-katiwalian ay hindi dapat maging mantsa ng karahasan, kundi isang makasaysayang patunay na kaya nating manindigan nang marangal.


Ang kapayapaan at pagkakaisa ang tunay na sandata ng bayan laban sa mga maling sistemang nagpapahirap. Tandaan natin na ang tunay na pagbabago ay hindi nakukuha sa sigaw at dahas, kundi sa sama-samang paninindigan, pagdarasal, at mapayapang pagkilos.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page