Mana ng ‘di lehitimong apo
- BULGAR

- Jul 24, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2024

Dear Chief Acosta,
Kamakailan ay pumanaw ang aking ama na si Jose. Hindi sila ikinasal ng aking nanay dahil ang aking ama ay nagkasakit at agad na namatay. Nag-iisa nila akong anak. Buong buhay ko ay nakatira kami ng nanay ko sa bahay ng lolo ko. Kinikilala rin akong apo ng lolo ko at pamangkin ng mga tito at tita ko. Simula rin nang namatay ang tatay ko ay lolo ko na ang nagbibigay ng lahat ng pangangailangan namin ng nanay ko. Ngayon, namatay na rin ang lolo ko. Sa kasalukuyan ay hinahati-hati ang mga ari-arian ng lolo ko sa kanyang mga anak at apo. Puwede ko bang katawanin ang tatay ko para sa kanyang bahagi sa mana mula sa lolo ko? -- Angel
Dear Angel,
Ayon sa kasong Amadea Angela K. Aquino vs. Rodolfo C. Aquino and Abbulah C. Aquino, G.R. No. 208912, December 07, 2021, ipinaliwanag ng Korte Suprema sa pamamagitan ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na ang isang hindi lehitimong apo ay maaaring katawanin o irepresenta ang kanyang namayapang ama para sa bahagi nito sa mga naiwang ari-arian ng kanyang lolo. Ayon kay Justice Leonen:
“We adopt a construction of Article 992 that makes children, regardless of the circumstances of their births, qualified to inherit from their direct ascendants — such as their grandparent — by their right of representation. Both marital and nonmarital children, whether born from a marital or nonmarital child, are blood relatives of their parents and other ascendants. Nonmarital children are removed from their parents and ascendants in the same degree as marital children. Nomnarital children of marital children are also removed from their parents and ascendants in the same degree as nomnarital children of nonmarital children. xxx
To emphasize, this ruling will only apply when the nonmarital child has a right of representation to their parent's share in her grandparent’s legitime. It is silent on collateral relatives where the nonmarital child may inherit by themself. We are not now ruling on the extent of the right of a nonmarital child to inherit in their own right. Those will be the subject of a proper case and, if so minded, may also be the subject of more enlightened and informed future legislation.”
Bago bumaba ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong nabanggit ay istriktong ipinapatupad ng Korte Suprema ang nakasulat as Article 992 ng New Civil Code, kung saan ipinagbabawal sa mga hindi lehitimong anak na magmana mula sa mga lehitimong kamag-anak ng kanyang tatay o nanay. Gayundin, ipinagbabawal na magmana ang mga lehitimong kamag-anak ng tatay o nanay mula sa hindi lehitimong anak. Kaya sa maraming kaso bago ang Aquino v Aquino, ay sinasabi ng Korte Suprema na hindi maaaring katawanin ng hindi lehitimong apo ang kanyang tatay mula sa mana ng ama nito o sa kanyang lolo.
Sa nasabing kaso ay nilinaw din ni Justice Leonen kung saan galing ang prohibisyong ito. Ito ay dahil sa pagpapalagay ng iba na mayroong alitan palagi sa pagitan ng hindi lehitimong anak at sa mga lehitimong kamag-anak ng kanyang nanay o tatay. Ngunit nilinaw ng nasabing hukom na ang konsepto ng non-marital child o illegitimate children ay “children conceived and born outside a valid marriage.”
Samakatuwid, maraming dahilan kung bakit ang isang bata ay kinokonsidera bilang non-marital child. Sa pananaw ng iba, kaya nagkakaroon ng hindi lehitimong anak ay dahil lang sa ang bata ay “anak sa labas” o dahil sa siya ay anak ng kanyang tatay sa ibang babae o ng kanyang nanay sa ibang lalaki. Ngunit maaari ring matawag na isang non-marital child ang isang bata kung siya ay ipinanganak nang hindi ikinasal ang kanyang mga magulang, bagama’t sila ay malaya namang magpakasal, kung halimbawang namatay agad ang isa sa kanyang mga magulang, tulad ng nangyari sa iyong kwento.
Ayon din sa Article 982 ng New Civil Code:
“ARTICLE 982. The grandchildren and other descendants shall inherit by right of representation, x x x”
Samakatuwid, hindi nagtatangi ang batas sa pagitan ng mga lehitimong apo at hindi lehitimong apo. Dahil dito, maaaring katawanin ng apo ang kanyang tatay sa bahagi nito sa mga ari-arian ng kanyang lolo. Ngunit ang karapatang ito ay hindi kusang pinagkakaloob dahil kailangang patunayan ng anak ang kanyang relasyon sa kanyang ama bago magkaroon ng karapatang katawanin ang kanyang ama sa mga pag-aari ng kanyang lolo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments