MALLARI NI PIOLO, WISH MAPANTAYAN ANG FENG SHUI NI KRIS
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 8, 2023

Nagpapasalamat ang Team Mallari dahil hindi nawawala sa kamalayan ng netizens ang pelikulang pinagbibidahan ni Piolo Pascual na gusto nilang mapanood sa pagbubukas ng Metro Manila Film Festival 2023 simula sa Disyembre 25.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkakape kami sa isang mall at naringgan namin ang mga estudyante na gustong takutin ang kanilang mga sarili sa Araw ng Pasko at paulit-ulit nilang binabanggit ang Mallari ni Piolo na una nilang panonoorin dahil nababasa raw nila sa internet na mahal ang pagkakagawa sa movie at curious din sila kung sino si Father Severino Mallari na true-to-life story pala.
Nakakatuwang makarinig ng mga ganitong komento dahil nakakarating pala sa mga kinauukulan ang ginagawang pag-iingay ng Team Mallari headed by John Bryan Diamante, ang Mentorque producer ng pelikula ni Papa P.
Wala na kaming gustong ikuwento tungkol sa Mallari dahil halos lahat naman ay naisulat at nabasa na sa iba’t ibang social media platforms kung ano'ng dapat abangan at kung gaano ginastusan ang pelikula.
Tulad nga ng laging sinasabi ng lahat, “One million-dollar question kung ano ang peg ng Mallari.”
Sabi ni Enrico Santos na siyang nagsulat ng script na gumugol ng apat na taon sa pagre-research ay ang iconic na Feng Shui movie ni Kris Aquino na idinirek ni Chito S. Rono ang peg niya at ganito rin ka-intense ang Mallari.
Through the years, nananatiling Feng Shui ang may pinakamataas na kinita sa local horror films.
“Sana nga, mapantayan lang. But I would love to say na I hope the legendary Feng Shui, makahabol man lang kami.
“Dahil wala naman pong tatalo ru’n, iconic na iconic 'yun. Makalapit lang kami ru’n, honored na honored na kami,” sabi ni ECS (tawag kay Enrico) sa nakaraang grand mediacon and kick-off ng Mallari sa SM MOA Cinema 5 nitong Disyembre 1.
Puwede bang ikumpara ang Mallari sa Feng Shui?
“Kung mapantayan o malagpasan, well, hinihiling namin na sana, tumatak 'yung Mallari.
Kung mapantayan siya o malagpasan siya, only history can tell. Hindi ko po masabi. It really depends.
Only time can tell. Pero ano po, hopefully, sana po,” sambit ni Enrico.
Ang kabuuang ganda ng pelikula, maging sa usaping teknikal at production value, ang nakita ng Warner Bros. Pictures kaya nila napiling sila ang mag-distribute nito sa bansa at maging sa labas ng bansa.
Tsikahang magkaibigan lang daw nu’ng una sina Enrico at Direk Derick Cabrido kung paano nila gagawin ang Mallari.
“Mayabang kami ni Direk. Nagyayabangan kami, brainstorming. 'Pag may sinabi siyang isa, dadagdagan niya. 'Pag may sinabi ako, dadagdagan ko.
“So, ginawa namin, isa. Sabi ko, 'Direk, ayokong isa gawin natin, dalawa para may present day.' 'Hindi, gawin mo, tatlo,' sabi niya. Nagsimula siya as a pusta.
“Impossible kasi 1812 tapos 2023 (setting). 'Yung mga GenZ, hindi makaka-relate. Wala akong mahugot papuntang 2023. Siyempre, MMFF 2023, mga bata, so kailangan mo, maitawid nang konti.
“1812, 1946, bago mag 2023. Para madala mga tao, ah, naimbento na ang camera, TV, cellphone, kasi gamit 'yun sa pelikula. So we had to create some supernatural manner para makita ng audience ang 1812,” kuwento ni Enrico.
Ipakikita rin daw sa pelikula ang evolution of fear ng mga Pinoy.
“Kasi rin po, itina-try naming gawing social commentary on what is fear sa mga tao, noong 1812, ang fear ng tao, demonyo, maligno, kasalanan, haciendero, masungit o pumapatay.
“Ano'ng fear ng 1946-1948, CIA, nag-imbento ng aswang sa probinsiya, 2023, ano'ng nakakatakot? Kapwa tao na, 'di ba, hindi na multo? It is a really good exploration of fear through the centuries and I hope makita n'yo when you watch the movie.
“Hindi takutan pero latag ng kultura natin. Bakit laging tinatakot ang Pilipino ng Kastila, Amerikano, at ngayon, tayo?” esplikang mabuti ni Enrico na isa ring direktor.
Samantala, tagumpay naman ang ginanap na Mallari FanCon sa MOA Activity Center dahil napuno ng fans nina Piolo, Janella Salvador, JC Santos at Ron Angeles ang venue at sobrang enjoy sila dahil buong cast ng pelikula ay nag-perform bukod pa sa ibang guests.
Anyway, hindi nakarating si Elisse Joson dahil may prior commitment siya, kaya nanghinayang ang mga fans nila ni McCoy de Leon na hindi siya nakita.
Bukod sa mga nabanggit ay kasama rin ang unang Miss Universe ng Pilipinas, si Ms. Gloria Diaz na willing sumama sa motorcade na gaganapin ngayong araw, Biyernes, December 8 sa Lipa City, Batangas kasama ang ibang cast.
Mapapanood na ang Mallari The Movie simula sa December 25 pero abangan muna ang Parade of the Stars sa December 16 sa buong KaMaNaVa area sa ganap na 1 PM at magtatapos ito sa Peoples Park, Valenzuela City.





Comments