top of page
Search
  • BULGAR

Malinis na tubig ang isa sa pinakamahalagang panlaban sa COVID-19 at iba pang sakit

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 24, 2021



Patuloy na dumarami ang ulat ng kung anu-anong sakit na nakukuha ng ating mga kababayan dahil sa kakulangan ng access sa malinis na tubig sa kani-kanilang lugar.


Isa sa tinutugunan ng Department of Health (DOH) ang mga kababayan nating nagkakaroon ng Soil-Transmitted Helminthiasis (STH), isang sakit na binabalewala ngunit maaaring makaapekto sa pisikal at mental na kalagayan ng isang tao.


Katunayan ay halos nasa 2.4 milyong may edad na isa hanggang 11 na taon ang isinailalim sa deworming activity ng DOH sa Bicol Region upang mailigtas sa pagkalat nitong STH.


Ayon sa DOH, para maiwasang mahawa sa naturang sakit ay kailangang-kailangang maghugas ng mabuti ng mga kamay bago kumain, maghugas ding mabuti ng kamay pagkagaling sa comfort room, maligo, uminom ng malinis na tubig, hugasang mabuti ang pagkain bago iluto at dapat potable water.


Kung inyong mapapansin ay puro tubig lamang ang pangunahing solusyon para labanan ang nabanggit na sakit at napakarami pang sakit sa bansa na nakukuha dahil lamang sa maruming tubig.


Malaki ang iginugugol ng DOH para labanan ang iba’t ibang sakit sa bansa na ang tanging dahilan lang naman ay ang pagkakaroon ng malinis na tubig na pangunahing gawain ng Local Water Utilities Administration (LWUA).


Lumalabas na hanggang sa kasalukuyan ay nasa 45 porsiyento lamang sa buong bansa ang may access sa malinis na tubig at tila lubhang napakabagal nang pag-usad kung paano ito matutugunan.


Ang LWUA na binuo sa ilalim ng Presidential Decree No. 198 na mas kilala sa ‘The Provincial Water Utilities Act of 1973’ na nilagdaan at naging isang batas noong Mayo 25, 1973 pa.


Isa itong government-owned and controlled corporation (GOCC) na may specialized lending function at may mandato ng batas na tutukan at ayusin ang development ng water supply systems sa mga lalawigan, siyudad at munisipalidad na nasa labas ng Metropolitan Manila.


At dahil sa pagkalat ng sakit dahil sa kakulangan ng malinis na tubig ay isa sa maaaring tanungin ay ang LWUA kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay mas malaki pa ang porsiyento ng mga lugar na walang access sa malinis na tubig.


Taliwas ito sa pangarap ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang makita ang bawat bahay sa bansa na may dumadaloy na malinis na tubig sa kani-kanilang gripo partikular sa mga lalawigan.


Isa sa nakikitang dahilan kaya hindi makagalaw nang maayos ang LWUA ay ang kakulangan nila ng sapat na pondo para maisaayos ang mga water district sa mga probinsiya na hanggang sa kasalukuyan ay marami ang naghihintay.


Kung sa inaakala ng marami na may pagkukulang din talaga ang LWUA sa pagtugon upang magkaroon ng malinis na tubig ang maraming lugar sa mga lalawigan ay panahon na para doblehin naman nila ang kanilang pagsisikap dahil nakakaawa ang marami nating kababayan.


Lalo pa at may pandemya, kailangang-kailangan ang tubig para labanan ang COVID-19 dahil ang regular na paghuhugas mula sa malinis na tubig ang isa sa maaaring magsalba sa atin para hindi mahawa ng virus na ito.


Marahil ay panahon na para bigyang-pansin ang problemang ito dahil higit na malaki ang matitipid ng DOH kung maisasaayos at mapalalakas ang operasyon ng LWUA dahil mababawasan na ang magkakasakit kung lahat ay may access sa malinis na tubig.


Sa susunod na lang natin talakayin ang tungkol sa amoebiasis, diarrhea at marami pang ibang sakit na lahat ay posibleng makuha sa maruming tubig.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page