Search
  • BULGAR

Malawakang pagbubukas ng ekonomiya, kailangan ng sapat na pag-iingat

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | October 17, 2020



Mas maraming pampasaherong jeepney ang pinapayagan na ngayong pumasada kung saan isang silyang pagitan na lamang ang kinakailangan. May mga negosyo na rin ang pinayagang tumanggap ng halos isang daang porsiyento ng kanilang kapasidad. May ilang hotel na rin ang pinayagan sa “staycation”. At mas maiksi na rin ang oras ng curfew. Ito ang mga hakbang na pinayagan na ng administrasyon dahil kailangan na buhayin ang ekonomiya.


Malakas ang panawagan mula sa maraming sektor na buksan na ang ekonomiya sapagkat mas dumarami pa ang nahihirapan, nagugutom at walang sahod o kita — wala namang argumento riyan.


Pero may babala ang ilang grupo sa madaliang o malawakang pagbubukas ng ekonomiya. Nariyan pa rin ang peligro ng COVID-19, baka masayang lang ang nangyayaring pagbawas sa bilang ng impeksiyon.


Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagkakaroon ng mabilisang pagtaas ng bilang ng mga bagong impeksiyon sa Europe dahil sa tinatawag na “pandemic fatigue” o ‘yung nagsasawa na ang mga tao sa mga alituntuning may kinalaman sa COVID-19.


Halos lahat ng nakikita natin ay nagsusuot ng face mask at face shield, lalo na sa labas ng tahanan. Maraming gumagamit ng alcohol o hand sanitizer. May mga temperature check bago pumasok sa kung saan-saan, kaya nasa atin na rin talaga kung hindi maingat, malamang ay muling darami ang bilang ng mga kaso ng COVID-19. Pero kung palaging maingat, mababawasan pa ang mga bilang nito.


Totoong marami sa atin ang pagod na sa mga nangyayari na mula sa hindi matapus-tapos na bilang ng mga kaso hanggang sa paulit-ulit na mga paalala. May mga nangangati na ang mga mukha o dumarami ang pimples dahil sa tagal ng pagsuot ng face mask.


May mga kilala tayong hindi pa rin kumportableng lumabas na walang dahilan. Mayroon ding ayaw munang sumakay ng mga pampublikong transportasyon dahil sa takot mahawaan. Hindi pa talaga normal ang sitwasyon. Wala pang magagawa riyan hangga’t wala pang mabisang bakuna na sa ngayon ay malayo pang malikha. Mag-ingat pa rin, kahit pa tila pinipilit na maging normal lahat.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.