top of page
Search
  • BULGAR

Malawak na modernisasyon ang lahat ng sangay ng AFP

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 08, 2021



Bumagsak ang C-130s Hercules military cargo plane ng Philippine Air Force (PAF) noong Linggo sa Patikul, Sulu. Nasa 50 pasahero, kabilang ang sundalo at mga sibilyan ang namatay habang may ilan pa na sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.


Nakikiramay tayo sa pamilya ng mga namatay, at ipinagdarasal natin ang mabilis na paghilom ng kanilang puso. Ang eroplano ay katatanggap lamang ng PAF mula sa Amerika itong Pebrero. Isa ito sa dalawang C-130 H na binili at inayos nang husto para makapagserbisyo pa nang matagal. Hindi pa nade-deliver ang isa — tatlo ang lumilipad na C-130 ng PAF, nabawasan pa ng isa, ang pinakabago pa. Napakahalaga ng C-130 Hercules at napakarami ang nagagawa nito, maging sa labanan o sa panahon ng kalamidad.


Sunud-sunod nga ang inabot na trahedya ng PAF mula noong 2020. Noong nakaraang dalawang linggo, isang brand new, na S-70i Blackhawk ang bumagsak sa Tarlac kung saan pito ang namatay.


Samantala, noong Abril nitong taon, isa naman ang namatay nang bumagsak ang MD520 scout helicopter. Nais imbestigahan ng Senado ang pagbagsak ng C-130 H para malaman ang mga problema at hindi na maulit pa. Pero iginiit agad ni AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo na nasa maayos na kondisyon ang eroplano at ang mga pilotong nagpalipad ay beterano sa C-130. Nakuha na ang black box ng C-130H kaya makikita kung ano ang mga kilos ng piloto at eroplano bago bumagsak. Alam na rin ang pagkakakilanlan ng pito sa 50 sundalong pasaherong nasawi. May resulta na ba ang mga imbestigasyon ng mga nakaraang pagbagsak ng mga eroplano?


Walang argumento na kailangan ng malawak na modernisasyon ang lahat ng sangay ng AFP. Sinimulan ito ng nakaraang administrasyon sa pagbili ng dalawang frigates at 12 FA-50PH na eroplanong pandigma na nabigay, na nakompleto kailan lang. Marami pa ang kailangan para maitapat ang AFP sa sandatahang-lakas ng mga bansa sa Timog-Silangan Asya man lang. Hindi natin maaabot ang lakas-militar ng China. Pero natural, malaking pera ang pinag-uusapan at kung saan kukunin? ‘Yan ang malaking tanong.


Kaugnay nito ay nagsalita na rin ang US Air Force tungkol sa Lockheed C-130 Hercules. Ang mga katangian nito ay maaasahan, ligtas, kayang lumipad at lumapag sa maiksi at maligasgas na runway. Noong 1956 unang gamitin sa serbisyo ng Amerika at hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ang mga pinakabagong bersiyon nito, partikular ang mga bagong teknolohiya na ikinabit sa eroplano. Gamit din ito ng humigit-kumulang sa 60 bansa.


Sa huli, dapat lang imbestigahan ang pagbagsak ng eroplano nang sa gayun ay mabigyan ng paliwanag ang pamilya ng mga namatay, at mabigyang-katahimikan ang mga nasawing sundalo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page